Lisensya bawal munang kumpiskahin – NCR LGUs

Lisensya bawal munang kumpiskahin – NCR LGUs

December 11, 2022 @ 9:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila na hindi muna kukumpiskahin ang lisensya ng mga mahuhuling traffic violators hangga’t hindi pa naipatutupad ang single-ticketing system at demerit scheme.

Ito ang resulta ng ika-apat na pagpupulong ng Technical Working Group kaugnay ng single-ticketing system nitong Sabado, Disyembre 10.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes, isinasapinal pa ng Technical Working Group ang mga probisyon ng sistemang ipatutupad.

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Metro Manila Council president at San Juan Mayor Francis Zamora na patuloy pa ring magbibigay ng traffic violation receipts (TVRs) ang bawat local government unit at kailangan pa rin na magmulta ang mga motorista sa bawat violations na magagawa nito.

Nakadepende rin sa ordinansa ng bawat lungsod ang multang babayaran.

Sa oras na maipatupad na ang single ticketing system, ang lahat ng mga paglabag sa batas-trapiko ay maidodokumento na ng LTO habang magkakaroon din ng demerit scheme kung saan bawat violation ay may kaukulang point deduction.

Kukumpiskahin o irerevoke ang lisensya kapag ito ay umabot sa ten point limit. RNT/JGC