DRIVERS, NAGALAK SA TRO PARA SA NCAP

DRIVERS, NAGALAK SA TRO PARA SA NCAP

August 31, 2022 @ 2:26 PM 1 month ago


SA pansamantalang pagpapatigil ng Korte Suprema sa implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’, medyo naibsan ang takot at inis ng mga tsuper ng pampubliko at pribadong sasakyan.

Gayunman, batid ng mga driver na pansamantala lang ang kanilang kagalakan sapagkat nagtakda ang Supreme Court ng oral arguments sa Enero 24, 2023. Medyo mahaba-haba rin naman ang kanilang kalayaan mula sa huli ng NCAP.

Inatasan ng SC ang Land Transportation Office na ipakalat ang desisyon sa lahat ng lungsod sa Metro Manila na nagpapatupad ng NCAP. Nagpalabas ng kautusan ang Mataas na Hukuman base sa reklamo ng ilang samahan ng tsuper at isang abogado na umabot sa P20,000 ang penalty na kanyang babayaran bunga ng kanyang paglabag sa batas trapiko.

Nandigan ang mga alkalde mula sa Maynila, Valenzuela City, Quezon City, Parañaque City at San Juan CIty na nagpapatupad ng NCAP na maganda ang dulot ng impementasyon ng ordinansang kanilang ipinatutupad sapagkat nagkakaroon ng disiplina sa kalye ang mga tsuper.

Bukod pa ito sa nababawasan ang pakikialam ng ilang traffic enforcer na nagiging daan upang gumawa ang mga ito ng katiwalian.

Kaya nga sa halip na sa kaban ng bayan napupunta ang bayad sa pagkakamali ng mga tsuper ay sa bulsa ng mga tiwaling nagmamando ng trapiko.

Oo nga, tama. Nagkakaroon ng disiplina sa kalye ang mga nagmamaneho ng sasakyan subalit paano naman kung may katwiran sila o may dahilan ang paglabag sa batas trapiko?

Minsan kasi, may mga pagkakataon na biglaan na lang nagkakaroon ng aberya sa kalye kaya walang magawa ang mga tsuper kung hindi ituloy na lang ang kanilang pagmamaneho lalo na kapag napitikan na sila ng camera.

Paano nga kapag may emergency? HIndi ba, kailangang magdiretso na lang lalo na kapag may ambulansiyang paraan?

Magbibigay nga ng disiplina ang NCAP sa mga tsuper subalit napakamahal ng multa, penalty at interest kapag hindi kaagad nabayaran gayung walang dumarating na sulat o notice sa kanilang paglabag.

Problema ang pag-contest kasi nga maraming pagdaraanang proseso. Kaya nga, ano ba talaga ang tamang desisyon para sa NCAP? Tuluyang itigil o ipatupad?