DROGA AT MGA MASAKER

DROGA AT MGA MASAKER

March 7, 2023 @ 12:41 AM 3 weeks ago


MINSAN pang ipinakita ng droga ang bangis nito nang harap-harapan sa ating lahat.

Sangkot sa droga ang isa o lahat ng mga dating sundalong nahuli na nangmasaker kina Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Mismong mga opisyal ng Philippine Army, gaya ni PA spokesman Xerxes Trinidad, ang nagkumpirma na sinibak sa kasundaluhan dahil sa pagkakasangkot sa droga ang mga nahuling suspek na sina Joric Labrado, Joven Aber at Osmund Rivero na pawang mga corporal.

Itong si Benjie Rodriguez ay lumabas na isang sibilyan.

Unang sinabi ni PNP Region 7 spokesperson P/Lt. Col. Gerard Ace Pelare na ex-army si Labrador at ex-scout ranger naman si Aber at ex-army rin si Rivero.

Ginamit ng tatlong ito ang kanilang dating awtoridad at galing sa paghawak ng armas kaya gayon na lamang ang pinsala sa buhay at ari-arian na kanilang ginawa.

Ayon kay Col. Pelare, hindi baba ang bilang ng mga killer at dahil may anim o mahigit pang suspek, maituturing na mapanganib ang mga ito.

Tiyak na may dala-dalang armas ang mga ito na panlaban nila sa mga tumutugis sa kanila na mga pwersa ng pamahalaan.

MGA NAMATAY

Muli, kilalanin natin ang mga nasawi na sina Gov. Degamo; Florenda Quinikito, barangay captain ng Fatima, Sta. Catalina; Jose Marie Ramirez, barangay kagawad; Crispin Vallega, guard; Jomar Canseco, driver; Jerome Maquiling, driver; Jessie Bot-ay, Joseph Retada, at Michael Fabugais na pawang mga sibilyan.

Grabe namang nasugatan sina Dr. Liland Estacion, head medical doctor ng Negros Oriental Provincial Hospital; Sgt Edmar Sayon, Philippine Army (11th IB); Corporal Gerald Malones, Philippine Army (11th IB); David Toryan Cortez, journalist; Fredilito Café; Chyrell Garpen; Rosa Banquerigo; Vickmar Rayoso; Mayben Jun Torremocha; Nikki Espinas; Lestor Chris Arnold; Pedro Flores; at Marlo Quilnetl na pawang mga sibilyan.

Nasugatan ngunit hindi naman grabe ang mga sibilyan na sina Diomedes Omatang, Raymond Baro, Rodelio Ragay Quinikito, and Nikko Torres Alavaren.

Hindi natin alam kung may madaragdag pang patay na biktima bagama’t isa sa mga napatay sa pagresponde ng mga pulis at militar ang isang suspek na wala pang pagkakakilanlan.

PAGMASAKER KINA VM ALAMEDA

Isama na rin nating pasadahan ang mga pumatay kina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, Duane Alameda, Jun Ramos, Ismael Nanay, Alvin Abel and Alex de los Santos sa Bagabag, Nueva Viscaya.

Pinasok at pinaslang sina Degamo sa loob mismo sa kanyang bahay sa Pamplona sa Negros Oriental ng mga sangkot sa droga.

Minasaker naman sina Alameda sa harapan ng eskwela sa Brgy. Baretbet saka nila sinunog ang kanilang sasakyan sa Solano, Nueva, Vizcaya.

Ngayon, meron din kayang droga na sangkot sa kaso nina Alameda?

DUTERTE ISTAYL KAILANGAN

Kapag nagpatuloy ang ganitong pangyayari, hindi masama na buhayin ang giyera sa droga ni tatay Digong Duterte.

Hayaang magngangawa ang mga taga-human rights, maging ang mga taga-International Criminal Court na gustong mang-usig sa mga nakikipaggiyera sa droga.