DROGA BUHAY NA BUHAY; PULIS PINAPATAY

DROGA BUHAY NA BUHAY; PULIS PINAPATAY

December 5, 2022 @ 11:30 AM 2 months ago


KUNG totoong pinatay ang dalawang pulis sa Pampanga kamakailan dahil sa kanilang operasyon laban sa droga, aba, dapat mag-isip-isip ang mga awtoridad at mga mamamayan sa banta at bagsik ng droga na tila lumalaganap at sinusubukan ang giyera laban sa droga mismo ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Police Regional Office 3 director P/BGen. Cesar Pasiwen, pinagbabaril ng magkahiwalay na riding-in-tandem sina PSMS Sofronio Capitle Jr. at PSSgt. Dominador Gacusan Jr., ng Drug Enforcement Unit ng Mabalacat City Police Station sa Pampanga.

Ginawa ang krimen ng mga naka-bonnet sa Brgy. Dau, Mabalacat City dakong 3:45 ng madaling araw nitong Sabado.

Sana, madakip ang mga ito sa pinakamadaling panahon at, sana rin, hindi mga pulis o ibang awtoridad din ang mga ito.

Sinasabi nating sana “hindi mga awtoridad” dahil lumalabas na may nagbabalik na mga ninja cop at ilang iskalawag na miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Pinakasampol ang pagbabalik-droga ng ilang awtoridad kaugnay ng nasakoteng halos P1 bilyong shabu ng pulisya sa Sta. Cruz, Manila na pag-aari umano ng mga pulis na miyembro pa ng Philippine National Police -Drug Enforcement Group.

Napakahigpit ang pulis sa mga checkpoint sa motorsiklo, lalo na sa gabi, at isang malaking katanungan ang hindi pagkaka-checkpoint ng mga suspek sa pagdating sa lugar ng krimen at hindi rin pagkakaharang ng mga ito sa iba pang mga checkpoint.

Pero sana naman, hindi talaga kagagawan ng mga iskalawag na awtoridad ang krimen upang mas madaling matunton ang mga ito.

Pero kung mga awtoridad man sila, hindi sana sila pagtakpan ng mga kasamahan nila kundi bitbitin sila para iharap sa timbangan ng katarungan.

Hiling nating mabilis na madakip ang mga salarin upang hindi nila maipagpapatuloy ang paggawa ng malagim na krimen. Isipin na lang ito.

Kung walang habas silang pumatay ng mga armadong awtoridad, lalong mas mabagsik ang mga ito sa sinomang mamamayang walang kalaban-laban.