DROGA, DROGA KAHIT SAAN; PARUSANG BITAY KAILANGAN

DROGA, DROGA KAHIT SAAN; PARUSANG BITAY KAILANGAN

November 29, 2022 @ 11:58 AM 2 months ago


MAY dalawang mambabatas na dapat pag-isipan ang mga panukala laban sa droga.

Sina Senador Bato dela Rosa at Leyte Representative Richard Gomez.

Pareho silang nagsusulong ng masasabing tama na kasagutan sa problemang salot sa lipunan: ang mga bigtime na sangkot sa droga at kanilang mga pusher.

Bagama’t druglord ang mga pangunahing nagpapakalat ng droga gamit ang mga pusher, maaaring isama na rin dito ang mga awtoridad gaya ng mga pulis at iba pang armadong tauhan ng pamahalaan at mga politikong kasama ng mga ito.

PARUSANG BITAY IBALIK

Ayon kina Sen. Bato at Rep. Gomez, dapat parusahan ang mga ito ng bitay.

Katwiran ni Rep. Gomez, hindi madaraan sa pakiusapan ang mga druglord at pusher.

Katunayan umano, lumalaban pa ang mga ito nang patayan.

Baril ang inihaharap nila sa sinomang haharang-harang sa kanilang daan para palaganapin ang droga.

At mismong sa panahon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., dahil sa pakikipaglaban ng mga sangkot sa droga, may 32 nang napapatay ng mga pulis habang 14 ang sa mga ahente ng  Philippine Drug Enforcement Agency.

Mayroon na ring napatay na pwersa ng pamahalaan gaya ng undercover agent ng PDEA na si Daniel Discaya na binaril sa ulo ni Buna Angie sa Brgy. San Francisco, Mabalacat, Pampanga sa isang drug bust operation nito Oktubre 23, 2022.

Ang totoo, armado talaga ang mga nagpapakalat ng droga, lalo’t armado rin ang mga sangkot din sa droga na mga awtoridad, gaya ng mga pulis na nahulihan ng halos P1 bilyong halaga ng droga sa Sta. Cruz, Manila kamakailan lang.

Lumalabas pa ngang may kapangyarihan ang mga druglord na nakakulong sa Bilibid na mag-utos ng mga pagpatay mula noong panahon ni Pangulong Digong Duterte hanggang sa ngayon.

MABILIS NA PAGLILITIS

Kung maibabalik man ang parusang bitay sa mga bigtime na sangkot sa droga, kasama ang mga pusher, dapat na mabilis ang paglilitis.

Dapat laman ng batas para rito ang pagkontrol sa mga proseso sa pulisya, piskalya at hukuman na nagpapatagal ng mga imbestigasyon at paglilitis hanggang sa Supreme Court.


At ikinaliligwak na rin ng mga kaso na ikinalalaya ng ilan o marami sa mga ito sa kalaunan.

Isa rin sa mga dapat na sagkaan ang pagtatanim ng mga ebidensya at paggamit ng mga mararahas na imbestigasyon o torture na taliwas sa tamang takbo ng katarungan.

At matapos na maideklarang guilty ang mga ito sa patas na paglilitis, ipataw na rin sa kanila agad ang bitay at huwag nang patagalin pa at sayangin ang buwis ng bayan para sa kanila.

Napatunayan nang kung parurusahan lang ang mga ito ng reclusion perpetua o 40 taong pagkabilanggo at patuloy na nabubuhay, bibigyan lang sila ng magandang pwesto para mag-opereyt pa rin.

At ang masama pa, nakakayanan nilang hawakan sa leeg maging ang mga nagbabantay sa kanila hanggang sa maging tagasunod na rin nila ang mga ito kapalit ng kayamanang hindi nakukuha sa sahod mula sa pamahalaan.