DROGA LAGANAP PA RIN

DROGA LAGANAP PA RIN

November 14, 2022 @ 11:20 AM 3 weeks ago


KUNG mamasyal kayo, mga brad, sa mga kulungan, at tingnan ang rekord ng mga nakukulong, matatagpuan ninyong walang bago sa kanila.

Karamihan sa mga bilanggo o detenido ang may kasong droga: Mga druglord, protektor, pusher, user.

Susunod dito ang mga magnanakaw: Mga akyat-bahay, holdaper, mandurukot, karnaper, motornaper at iba pa.

Susunod na rito ang mga manyakis at rapist at bibihira ang mga nakapatay.

Pero pagtutuunan natin ang droga.

Noong panahon ni Tatay Digong, marami talaga ang nakukulong dahil sa droga.

At dahil iilang buwan pa lang naman na umalis siya sa pwesto, marami sa mga sangkot ang nasa kulungan pa at dinidinig ang kanilang mga kaso sa hukuman.

Pero kwento ng mga pulis, talagang marami pa rin ang kanilang nahuhuli.

Paniniwala ng mga tarantadong sangkot sa droga, malaya ulit sila at yakang-yaka nilang paikutin ang pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Pero diyan sila nagkakamali.

Pursigido ang Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation sa pagsugpo sa droga, sa tulong ng mga mamamayan.

Kaya maliliit at malalaking druglord at tulak, kasama ang mga narco-politician, hindi sila sinasanto ng PNP, PDEA at NBI at mamamayan sa kampanya laban sa droga sa kautusan mismo ni Pangulong Marcos.

Kaya naririyan ang rekord sa droga sa mga kulungan.

Higit na marami ang hinuhuli at kinakasuhan kaugnay ng droga at sana, makasabay rito ang mga piskal at huwes sa pagtutulak sa mga kriminal dito sa tunay na kalagayan.

Maganda kung mapunta sila sa Bilibid o sa mga nakahiwalay na isla na may kulungan gaya ng Iwahig Penal Colony sa Palawan.

Lalo na ang mga malalaking sangkot gaya ng mga druglord, narco-politician, ninja cops at mga iskalawag sa PDEA at NBI.

Dito, hindi lang sa ilalim ng lupa sila titira kundi babagsak din mula sa kalangitan at madudurog pagbagsak.