DROGA LUMALALA BITAY IBALIK NA

DROGA LUMALALA BITAY IBALIK NA

March 14, 2023 @ 1:33 PM 2 weeks ago


MAKATUTULONG nang malaki laban sa lumalalang krimen sa mahal kong Pinas ang pagbabalik ng parusang bitay.

Matapos isalang sa hukuman mula sa Regional Trial Court hanggang sa Supreme Court ang heinous crime na may parusang bitay at mapatunayang nagkasala nang walang anomang pagdududa ang akusado, isagawa na agad ang parusa.

Hindi rin dapat basta magpatawad ang Pangulo ng Pilipinas sa deklaradong guilty sa krimeng may parusang bitay.

Ipinasa ang batas para sa death penalty na Republic Act 7659 noong Disyembre 1993 at itinakdang paraan ang lethal injection bilang paraan.

Pinarusahan dito ang isang ama na nang-rape sa kanyang anak.

Nauna rito, electric chair ang paraan at kabilang sa mga binitay rito ang tatlo sa apat na maiimpluwensyang personalidad na nang-gangrape sa isang artistang babaeng lumaban nang harap-harapan sa kanila sa korte.

Pero pinawalambisa ang RA 7659 ng RA 9346 noong Hunyo 2006.

LIBO-LIBONG BINIBITAY

Sa United States, may binitay na 18 katao nitong 2022 sa iba’t ibang estado.

Mula 1976, may 1,363 nang binitay pero bago nito, mahigit 4,000 ang binitay mula 1890’s na karaniwang electric chair noon ang gamit o firing squad naman kung may kaugnayan sa giyera o sa mga sundalo.

Sa Saudi Arabia para sa taong 1985-2015,  may 2,208 ang binitay at noong Marso 2022, 81 ang sabay-sabay o sunod-sunod na binitay sa isang araw lamang dahil sa terorismo.

Karaniwang pugot-ulo, firing squad at bitay sa lubid ang paraan dito.

Sa pag-upo ni Japan Prime Minister Fumio Kishida, dalawa na ang binibitay sa pamamagitan ng lubid.

Marami pang bansa ang nagpapairal ng bitay para lang tunay na mabawasan ang mga gumagawa ng mabibigat na krimen.

Hindi natin sinasabing walang pagkakamali sa mga desisyon dito pero ipinalalagay na tama ang lahat  dahil sa pagsalang ng mga kaso sa mga pagdinig sa hukuman at doon binibigyan ang mga akusado ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa mga bintang laban sa kanila.

BAKIT KAILANGAN ANG BITAY?

Para makamit nang buo ng mga biktima ng mga krimen ang hustisya at magkaroon ng maayos at mapayapang pamayanan ang Pilipinas.

Nasa likod ng sulating ito ang pagmasaker ng mga sangkot sa droga, at mga sundalo pa, sa pitong inosenteng sibilyan at kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na ikinasugat ng marami pang iba.

Naririyan din ang pagmasaker kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at mga kasama niyang lima sa Nueva Vizcaya.

Paano rin ang brutal na pagpatay ng adik na si Elson Jamisola sa kanyang 22 anyos na misis na si Kimberly Achas sa Don Carlos, Bukidnon?

Ang pag-gangrape ng isang pulis at mga asset niya sa misis ng hinuli nila na may kasong droga sa Zamboanga City, paano?