DROGA SA PINAS IPINAPASOK NG MGA  EROPLANO, BARKO

DROGA SA PINAS IPINAPASOK NG MGA  EROPLANO, BARKO

December 17, 2022 @ 1:38 PM 2 months ago


KLARONG-KLARO na halos imported lahat ang pumapasok na iligal na droga sa Pilipinas at ginagamit ang mga barko at eroplano.

Base na rin ito sa mga pinakahuling balita cocaine,  ecstasy at shabu.

Sa Quezon, may natagpuang cocaine na nasa pag-iingat ni Jasmin Dagohoy, ng Barangay Ibabang Dupay,  Lucena City.

Nasamsaman ito ng 489 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng P2.59 milyon.

Ito namang si Jomer Nora, nakumpiskahan ng 59.78 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng  P950,000 sa Purok Daus, Brgy. Poblacion 61 sa Real.

Nakunan din si Nora ng 59.02 gramo shabu na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.

Saludo tayo, mga brad, sa pwersa ni Quezon  Province Police director PCol. Ledon Monte sa galing na umamoy kung nasaan at sino ang nagkakalakal ng droga.

Paalala lang, PCol. Ledon, na alagaan ang mga nakalap na ebidensya at hindi pakialaman ng iba.

Sa Ninoy Aquino International Airport naman, nasabat ng Bureau of Customs ang ecstasy pills na galing sa United States at France.

Inilagay ang mga ito sa foot massager, cartridge at pinagmukha pang candy.

Nauna rito, dala-dala naman ng Amerikanong si Stephen Joseph Szuhar, isang retired casino manager, ang 3.7 kilos na nagkakahalaga ng P10.6 milyon nitong nakaraang Setyembre.

Ayon sa BoC, umaabot na sa P443.26 milyon ang kabuuang halaga ng droga, kasama ang shabu, na nakumpiska nila sa mga paliparan ng bansa.

Lahat ng mga nasasamsam na droga ay inililipat sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Kung pag-aaralan ang pagpasok ng mga droga sa bansa,  aba, barko at eroplano nga ang gamit ng mga ismagler at druglord.

Dapat ipagpatuloy ng mga awtoridad ang pagsisipag sa pagbabantay sa karagatan at kalangitan laban sa droga.

Pero pwede bang sunugin lahat ng ito makaraang maipasok sa mga hukuman ang mga kaso rito para hindi mapakialaman ng “ninja cops”  at “ninja PDEA”?