DROGA UGAT NG PAGTAAS NG KRIMEN

DROGA UGAT NG PAGTAAS NG KRIMEN

September 16, 2022 @ 5:11 PM 2 weeks ago


NAKABABAHALA ang pag-angat ng mga kaso ng krimen sa bansa ayon kay Senador Ronald”Bato”Dela Rosa kung saan tinumbok niya ang sunod-sunod na nangyaring kidnapping ng mga kababaihan at ilang Chinese.

Naniniwala ang senador na Chairman ng Senate Committee on Public Order and Safety na ang pagbalik umano ng kalakaran ng droga sa kalsada ang dahilan ng pagtaas ng krimeng ikinaaalarma ng Chinese community.

Ayon kay Lugene Ang,Pangulo ng Philippine Chinese Chamber of Commerce,56 na mga kaso ng kidnapping ang naitala ng grupo nila sa loob lang ng sampung araw mula Sept.6 na ayon sa Philippine National Police ay 27 raw ang nasa rekord ng mga otoridad.

Hindi pa kabilang sa talaan ang na rescue ng kapulisan sa Subic na 90 mga Tsinoy na karamihan ay POGO workers kung saan humingi ng tulong ang mga kaanak kay mismong DILG Secretary Benjamin Abalos.

Nakapagtataka nga naman na sa kabila ng malawakang anti-drug operations ng PNP laban sa iligal na drogang halos araw-araw ay may nasasabat ang otoridad, hindi pa rin masawata ito.

May punto rin naman si Dela Rosa dahil sa kasagsagan ng giyera kontra droga na ipinatupad niya bilang pangkalahatang pinuno ng PNP noon, mabilis ang pagbaba ng krimen sa bansa kaya naman batid ng mambabatas na bumalik na naman sa kalsada ang kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.

At hindi dapat isantabi ng kasalukuyang pamunuan ng PNP ang pahayag ng senador dahil puspusan pa naman ang pag-hikayat ni Pangulong Ferdinand”Bongbong”Marcos, Jr. sa mga lokal na negosyante at dayuhang investor na mag-negosyo sa bansa upang makatulong sa unti-unting pagbangon ng ekonomiyang sadyang pinabagsak ng pandemya.

Batid ng sambayanang mag-dadalawang isip ang mga negosyanteng itodo ang pangangalakal dito kung tumataas na naman ang bilang ng krimen sa bansa.

Sabi nga ng kagalang-galang na obispong si Joel Baylon,”the road to development must pass through a path of peace.”
Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]