Drogang reward sa informant, pinaiimbestigahan ni Bato sa PDEA

Drogang reward sa informant, pinaiimbestigahan ni Bato sa PDEA

March 17, 2023 @ 2:57 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Biyernes, Marso 17 ang Philippine Drug Enforcement Agency na imbestigahan ang di-umano ay pagreresiklo ng mga nasasabat na illegal na droga bilang reward sa nagturong informant.

Matatandaan na nauna nang isiniwalat ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na may ganitong kalakaran, kung saan humingi ng 30% na cut sa nakumpiskang droga ang informant.

“Prudence dictates that you (Lazo) have to do this. It is incumbent on your part being the director general of PDEA. Once that information reaches you, you have to act on that,” sinabi ni Dela Rosa sa panayam ng ANC.

Ani Dela Rosa, umuupo bilang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na posibleng maging whistleblower ang mga informant at malantad ang hinihinalang modus ng pagreresiklo sa mga nasasabat na illegal na droga.

“Huwag mong pabayaan ‘yan. Follow-upin mo. Balikan mo ‘yang informant na ‘yan. Balikan mo talaga para malaman natin ang katotohan. It will cast doubt on you ‘pag walang mangyari,” aniya.

Nagbabala din ang senador na maraming mga informant ang nagpapanggap na double agents.

“Kumikita na bilang miyembro ng sindikato. Pinapatira niya ‘yung sindikato na ‘yun. At the same time, kumikita siya sa gobyerno na nakahuli ng sindikato,” sinabi pa ng senador.

Ani Dela Rosa, hindi dapat umasa lamang sa mga informant ang mga tauhan ng PDEA at sa halip ay magkasa ng operasyon batay sa intelligence information.

Nitong Huwebes, Marso 16 ay sinunog ng PDEA ang nasa 3.7 tonelada ng illegal na droga na nagkakahalaga ng P19.9 bilyon na nakumpiska mula sa iba’t ibang operasyon na ikinasa nila. RNT/JGC