Drug accusation ng gunman vs ex-mayor Furigay, kasinungalingan-abogado

Drug accusation ng gunman vs ex-mayor Furigay, kasinungalingan-abogado

July 25, 2022 @ 8:35 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang katotohanan ang mga akusasyon ng gunman na ang napatay na dating mayor ng Lamitan City Rose Furigay at ang kanyang pamilya ay sangkot sa illegal drug trade at iba pang iregularidad, ayon sa legal counsel ng pamilya.

“His story is untrue,” ani Atty. Quirino Esguerra Jr. sa ulat ni James Agustin.

Ayon kay Esguerra, ang gunman na si Dr. Chao-Tiao Yumol, ay may personal na sama ng loob kay Furigay matapos ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagsasara ng kanyang infirmary clinic dahil umano sa operasyon nang walang kaukulang permit.

“Kinakailangan pa nga siyang (Yumol) na magpaliwanag ng City Council at ng City Mayor, pero ang ginawa niya, kinastigo niya. Pinost niya sa Facebook, malicious insinuation. Kaya ayaw siyang komprontahin ni mayor tungkol dito. Nagsampa sila ng mga kaso. May nakabinbing 60 na kaso ng cyberlibel,” sabi ni Esguerra.

Ang klinika, sabi ni Esguerra, ay matatagpuan sa tapat lamang ng kalye mula sa Lamitan City Hall.

Bukod kay Furigay, dalawa pang tao ang nasawi sa insidente ng pamamaril na sumisira sa graduation ceremony ng Ateneo law school sa Quezon City noong Linggo ng hapon.

Napatay din sa insidente ang aide ni Furigay na si Victor Capistrano at ang security guard na si Jeneven Bandiala.

Samantala, nasugatan sa insidente ang anak ni Furigay ngunit nasa stable na kondisyon na ito, ayon kay Esguerra.

“Nasa stable condition si Hannah. Nagtamo siya ng graze wound sa ulo at dalawang sugat sa tiyan,” aniya.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa ulo at dibdib si dating mayor Furigay.

Si Yumol, 38, ay inaresto ilang sandali matapos ang insidente. Lumabas sa imbestigasyon na nagpa-book siya ng masasakyan sa campus ng Ateneo de Manila University kaya nadala niya ang kanyang dalawang baril.

Nangyari ang insidente habang ipinapatupad ang gun ban sa Metro Manila kaugnay ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nakatakda sa Lunes ng hapon.

Sa hiwalay na ulat, inakusahan ni Yumol ang pamilya Furigay na nasa likod ng ilang pagtatangka sa kanyang buhay.

“Tatlong beses akong pina-ambush ng pamilyang ito. Pag pumunta kayo sa social media makikita niyo ilang beses akong humingi ng tulong kasi pinapa-ambush nila ako,” anang suspek. RNT