Drug case ni De Lima posibleng maresolba na sa Marso – kampo

Drug case ni De Lima posibleng maresolba na sa Marso – kampo

January 27, 2023 @ 5:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Posibleng maresolba na ang drug case ni dating Senador Leila de Lima pagsapit ng Marso.

“We’re looking at our possible timeline na Marso matapos lahat. Halos magkasabay,” ayon kay Atty. Filibon “Boni” Tacardon sa panayam kasunod ng pagdinig ng kampo sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204.

Nahaharap si De Lima sa tatlong reklamo ng conspiracy to commit illegal drug trade kung saan ang isa ay ibinasura noong Pebrero 2021 dahil sa mahinang ebidensya.

Nakakulong ang dating Senador mula pa noong Pebrero 2017.

“Practically, ang nangyari lang ay nanood lang kami ng video ngayong umaga. Walang nangyaring pagtatanungan,” sinabi pa ni Tacardon, dagdag pa ang pagsasabi na posibleng matapos na ang cross-examination sa susunod na pagdinig.

Ang susunod na hearing sa naturang reklamo ay gaganapin sa Pebrero 10 at 24.

Samantala, ang pagdinig ni De Lima sa iba pang kaso sa Muntinlupa RTC Branch 256 ay gagawin sa Enero 30 at Pebrero 6.

“At pagkatapos noon, dahil nakasampa ‘yung aming motion for bail, inaasahan namin ito’y ma-resolba na,” pahayag ni Tacardon.

“So uulitin ko, hindi namin sinasara ang pintuan sa habeas corpus petition pero to be candid, kahit si Senator Leila de Lima ay naka-focus lang talaga sa kanyang bail application sa kasalukuyan,” dagdag niya.

Kaugnay ito ng pagkakaloob ng Korte Suprema ng writ of habeas corpus sa paglaya ni Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating chief of staff ni dating senator at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, kaugnay ng plunder at graft case laban sa kanya.

Ang writ of habeas corpus ay ang proteksyon ng akusado laban sa illegal imprisonment.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, posibleng pwede rin sa kaso ni De Lima ang ganitong pamamaraan.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Tacardon na tinitingnan pa nila ang posibiliadd na ito.

“Tinitignan namin ito kung ito’y pasok sa naging condition at circumstances ni Senator Leila De Lima. Para sa amin, hindi lang ‘yung tagal ng kanyang pagkakakulong ang aming dapat isaalang-alang kung babasahin natin ‘yung resolution,” aniya. RNT/JGC