Lucena City – Napatay ng mga awtoridad ang itinuturing na number 1 drug personality sa Lucena City makaraang makipagsagupa sa nangyaring buy bust operation sa umanoy drug den sa Purok Bagong Buhay, Dupax, Barangay Cotta, kanina.
Nakilala ang suspek na si Fernando Ibanez alyas “Jepoy”, naninirahan sa nabanggit na lugar. Habang siyam pang indibidwal ang nadakip kung saan naabutan pang bumabatak ng shabu sa loob ng bahay ni Ibanez.
Ayon kay Police Supt. Romulo Albacea, chief of police ng Lucena, alas-5 ng umaga ng isagawa ang operasyon laban kay Ibanez sa mismong bahay nito na ginagawang batakan ng ilegal na droga.
Napainan ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Lucena police station si Ibanez ng pagbentahan nito ang isang nagpanggap na pulis ng ilang pakete ng shabu.
Subalit ng aarestuhin na ang suspek ay agad itong bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis hanggang sa gumanti ng putok ang mga operatiba at napatay ito.
Narekober ng pulisya sa drug den ang nasa labing isang pakete na naglalaman ng shabu at ibat ibang drug paraphernalias at isang .9mm na baril na ginamit ni Ibanez sa panlalaban nito. (Jeff Gallos)