Drug group member, kasabwat nabingwit sa Navotas buy bust

Drug group member, kasabwat nabingwit sa Navotas buy bust

January 29, 2023 @ 4:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Swak sa loob ng selda ang dalawang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang miyembro ng “Zaragosa drug group” matapos makuhanan ng nasa 570 gramo ng marijuana sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Jomari Casbadillo, 28, (pusher/listed) at Mark Joseph Nicandro alyas “Mac-Mac”, 35, kapwa ng Brgy. Daanghari.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa F Pascual St., Brgy. Daang hari, Navotas City.

Nang tanggapin ni Casbadillo ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang knot-tied transparent plastic bag ng marijuana ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba kasama ang kanyang kasabwat.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 570 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price (SDP) Php 68,400, buy bust money, sling bag at P500 recovered money.

Ani P/Capt. Rufo, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura