Drug ops ‘di kaugnay ng Halalan 2022- PDEA chief

Drug ops ‘di kaugnay ng Halalan 2022- PDEA chief

March 18, 2022 @ 2:24 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Inilahad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes na ang  mga matagumpay na operasyon kamakailan na nagresulta sa malalaking drug hauls ay walang kinalaman sa Halalan 2022.

Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nag-ugat ang mga operasyon mula sa kooperasyon ng law enforcement agencies sa ilalim ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na itinalaga noong 2019.

Ani Villanueva, hindi dapat umano ito iugnay sa darating na eleksyon sa Mayo 9, 2022.

“The main difference between our operations now and before is we share intelligence at pinagtutulungan namin na trabahuhin ang isang main operations. Ito yung nangyari for the past months since last year,” aniya.

“Malakihan nga [ang operations]. We cannot relate this to elections and we should not relate this to the elections. Ginagawa na natin ito ever since,” dagdag ni Villanueva.

Umapela naman siya sa susunod na mahahalal na pangulo na huwag haluan ng politika ang laban kontra iligal na droga.

“I’ve been here since 2001. Dumaan ako sa apat na presidente. Dapat ang campaign natin sa drugs, walang politics. Isa lang naman ang kalaban natin eh — droga,” sabi ni Villanueva.

“Dapat kahit sinong pumasok, sinong manalo ang ang campaign laban droga dapat pantay-pantay, dapat patuloy,” patuloy niya. RNT/SA