Drug pusher sa Pasay tiklo; P300K shabu nakumpiska

Drug pusher sa Pasay tiklo; P300K shabu nakumpiska

May 30, 2021 @ 4:52 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang drug pusher na nahulihan ng kulang sa 60 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Pasay police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kaninang madaling araw sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay police chief P/Col. Cesar G. Paday-os ang inarestong suspect na si Jason Pal, a.k.a. Jayson, 25, residente ng No. 1772 Putuhan St., Barangay 46 Zone 6, Pasay City.

Base sa report na isinumite ni Paday-os sa Southern Police District (SPD), isinagawa ang buy-bust operation ng SDEU dakong 1:00 ng madaling araw sa labas ng kanyang bahay.

Bago isagawa ang operasyon ng pulisya ay nakakuha ng impormasyon ang SDEU sa kanilang asset tungkol ilegal na operasyon ng suspect na kilalang talamak na tulak ng shabu sa kanilang lugar.

Nang magpositibo ang nakalap na impormasyon ay agad na nagsagawa ng buy-bust operation ang SDEU sa pamumuno ng kanilang team leader na si P/SMS Jonathan R. Bayot na nagdulot sa pagkakaaresto kay Pal.

Narekober sa posesyon ng suspect ang 3 katamtamang laki ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 55.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P378,080; 1 kalibre .9mm rebolber na kargado ng 5 bala; 1 itim na sling bag; 1 surgical na gunting; 1 timbangan; disposable lighter; isang piraso ng 500 piso na buy-bust money at 7 pirasong 1,000 na ginamit na boodle money.

Ang mga narekober na ebidensya kay Pal ay itinern-over sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis.

Pinuri naman ni SPD director P/Brig. Gen. Jimili Lopez Macaraeg ang mga operatiba ng SDEU sa pamumuno ni Paday-os sa kanilang patuloy na operasyon na nagreresulta ng pag-aresto ng mga suspects na kaugnay sa revitalized anti-drug campaign ng Philippine National Police (PNP).

Dagdag pa ni Macaraeg na ang SPD ay naging masigasig sa pagpapatigil ng paglaganap ng ilegal na droga para sa mas ligtas na Southern Metro.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165 si Pal na kasalukuyang nakapiit sa IDMS Custodial Facility ng Pasay police. James I. Catapusan