DRUG RECYCLING AT NAGLIPANANG MGA KRIMINAL

DRUG RECYCLING AT NAGLIPANANG MGA KRIMINAL

March 16, 2023 @ 10:47 AM 7 days ago


SA House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Rep. Robert Ace Barbers, umuusok ang pagdinig sa pag-recycle ng mga nakukumpiskang droga.

Ang Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police Drug Enforcement Group ang pangunahing lumalaban sa droga subalit sumasali rin ang National Bureau of Investigation at Bureau of Customs.

Nakatatakot ang kinukumpirma o pinabubulaanan nina PDEA Director General Virgilio Lazo at PNP Brigadier General Allan Nobleza na drug recycling o pagbebenta ng nakukumpiska nilang droga para maging pera.

Pero sa parte ng PDEA, sampol mismo ang mga Taguig PDEA agent na pinamunuan ni Enrique Lucero, kasama sina Anthony Vic Alabastro and Jaireh Llaguno at driver nilang si Mark Warren Mallo.

Sa PNP naman, may halos isang toneladang nakumpiska kay P/Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. noong Oktubre 2022 sa Sta. Cruz, Manila at habang binabantayan ito, may nagbawas pa ng 42 kilo para i-recycle, kay PDEG chief Brig. Gen. Narciso Domingo.

Ang masama pa, may police general na iniuugnay rito pero nakalimutan na.

Ang nakatatakot pa, binibigyan ang mga impormante ng 30-70% komisyon na droga mismo (hindi pera na reward) para ibenta nila at maging pera habang para sa pagsasampa naman ng kaso ang natitira.

Ngayon, kitang-kita ang bunga ng ganitong mga istayl at maaaring ikonek ang droga sa pag-ambush kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. na ikinamatay ng kanyang driver at tatlong pulis at pagpatay rin kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na ikinamatay ng walong iba pa.

Bunga rin ng droga ang pagpatay ni Elson Jamisola, isang adik, sa live-in partner niyang si Kimberly Achas sa Bukidnon at pag-gangrape nina PM/Sgt. Marlon Dimaisip sa misis ng huli nilang tulak sa Zamboanga City.

Pisting yawa!