Drug surrenderee itinumba sa harap ng anak

Drug surrenderee itinumba sa harap ng anak

June 20, 2022 @ 1:33 PM 1 week ago


BACOLOD CITY- Sabog ang bungo ng isang dating drug surrenderee matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek sa harap mismo ng kanyang anak sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Christopher Guanzon, 40, tricycle driver at residente sa Purok Progreso, Barangay Taculing, Bacolod City.

Batay sa report ng Bacolod Police Station 6, dakong alas-9 ng gabi naganap ang krimen sa Villarta St., Purok Santa Ana, Barangay 31, Bacolod City.

Ayon kay Police Lt. Andy Ofalia, deputy station commander ng Bacolod Police Station 6, nakatayo ang biktima sa tapat ng bahay ng kanyang kapatid na babae sa nasabing lugar ng dumating ang mga suspek.

Kwento ng anak ng biktima, eksaktong pagbaba ng tricycle ng ama kasunod naman nito ang motorsiklo sakay ang suspek.

Mabilis na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan sa ulo ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na pinaharurot ng suspek ang motorsiklo patakas patungo sa Lopez Jaena St., ng lungsod.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakakuha sila ng isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu sa bulsa ni Guanzon.

Sa pahayag naman ng misis ng biktima, dating drug surrenderee ang kanyang asawa taon 2017.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman sa illegal na droga ang motibo sa krimen. Mary Anne Sapico