Drug suspects posibleng nasa likod ng Adiong ambush – PNP

Drug suspects posibleng nasa likod ng Adiong ambush – PNP

February 23, 2023 @ 11:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na tinitingnan nila ang grupo ng mga drug suspect na nasa likod ng pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr.

“Base sa ongoing na investigation, meron na po kaming tinitingnan na subject po ay grupo sa mga drug personalities,” ani PCol. Robert Daculan sa TeleRadyo.

Tumanggi ang opisyal na pangalanan ang grupo dahil baka makaapekto ito sa kanilang imbestigasyon.

“Sa ngayon nasa finalization stage kami ng collection ng mga affidavits ng mga nag-survive, mga first responders. Then sa operation regarding sa grupo na ito ay tuloy-tuloy po,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng pulis na si Adiong at ang kanyang staff na si Ali Macapado Tabao, ay nasa stable na kondisyon na.

Isa sa mga suspek sa pananambang kay Adiong, na kinilalang si “Otin,” ay napatay sa isang armadong engkwentro. Ang kanyang ama na kilala bilang “Fighter” at 4 na iba pang suspek ay nananatiling nakalaya at tinutugis na rin ng pulisya. RNT