Quezon City – Utas ang isang hinihinalang drug suspek sa isang engkuwentro sa pagitan ng mga operatiba ng Quezon City Police matapos itong manlaban sa mga awtoridad sa Brgy. Unang Sigaw sa naturang lungsod kahapon ng madaling araw Hulyo 15, 2018 (Linggo).
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Joselito T. Esquivel Jr., kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar inilarawan ang nasawing suspek na mahigit 20-anyos, nakasuot ng itim na short pants, at kulay kayumanggi.
Nabatid sa ulat ng QC Talipapa Police Station 3 dakong alas 2:15 ng madaling araw nitong nakalipas na Hulyo 15, 2018 (Linggo) isang concerned citizen ang tumawag sa Talipapa Police dahil namataan ang suspek na may dalang baril, kahina-hinala ang kilos at pagala-gala sa kahabaan ng Service Road ng Brgy. Unang Sigaw.
Agad rumosponde ang QC station 3 Talipapa sa ilalim ni Supt. Alex Alberto at habang papalapit ang mga pulis sa suspek agad pinaputukan ang mga ito ng huli.
Nagkaroon ng maikling palitan ng putok ng baril sa pagitan ng suspek at mga pulis na malubhang ikinasugat ng suspek at agad isinugod sa Quezon City General Hospital subalit idineklara itong dead on-arrival.
Narekober ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) investigator sa suspek ang isang caliber Colt 1911 .45 at dalawang bala at 13 sachet ng hinihinalang shabu.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis para matukoy ang pagkakakilanlan ng nasawing suspek. (Santi Celario)