Manila, Philippines – Hindi na itutuloy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mandatory drug test para sa mga Grade 4 pupils pataas.
Ito ang naging pahayag ni PDEA Director General Aaron Aquino matapos nilang hindi makuha ang suporta ng Department of Education sa nasabing panukala.
“Sadly we didn’t get the support of DepEd on our proposal for the mandatory drug test for Grade 4 and above and they said to us, just continue or carry on with our mandate as the lead agency on anti-illegal drugs,” ayon kay Aquino sa press briefing sa PDEA headquarters sa Quezon City.
Pero, humihirit ito ng mandatory drug test na lang sa mga secondary at tertiary.
“But I would like to add, humirit pa kasi ako before the meetings ends, sinabi ko baka puwede naman nilang pagbigyan na lang na magkaron ng mandatory drug test ang secondary at tertiary kahit ‘yun na lang muna.”
Sa datos ng PDEA, aabot sa 4,026 na mga menor de edad ang naaresto nila kaugnay sa iligal na droga simula noong 2011.
Mula sa bilang ay 1,535 sa mga ito ang nahuli sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon mula July 2016 hanggang June 30, 2018.
Dahil dito gustong amyandahan ng PDEA Director ang Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 para higit na magamit sa kampanya kontra illegal drugs.
“We need to amend the Section 36 of R.A. 9165, but you know, amending this will take a lot of time. Maybe three years, four years, maybe five years…Kasi yung R.A. 9165 I think it took ten years eh, it started 1992 and it was approved in 2002.” (Remate News Team)