DRUG TEST SA LAHAT NG KANDIDATO

DRUG TEST SA LAHAT NG KANDIDATO

November 26, 2021 @ 4:13 PM 2 months ago


MAGANDA ang kontrobersya na nilikha ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kandidatong Pangulo na gumagamit ng droga kaugnay ng halalang 2022.

Napupwersa ang mga nangungunang kandidato sa pagka-Pangulo na magpa-drug test at may isa sa kanila na umaming minsan na ring gumamit ng droga.

Maaaring may iba pa na gumamit na rin o gumagamit pa subalit hindi umaamin.

Alalahaning may 97 kandidatong Pangulo na sinertipikahan ng Commission on Elections na naghain ng kandidatura at tiyak marami ang matitira sa mga ito makaraang kalusin ng Comelec ang mga nuisance candidate at hindi kwalipikado.

HINDI KASALI SA REKISITOS

Ang totoo, hindi kasali sa rekisitos sa kandidatura ang usaping droga, kung gumagamit nito o hindi ang isang kandidato.

Sa pampanguluhan, halimbawa, sinasabi ng Konstitusyong 1987 na walang mahalal sa pagka-Pangulo ng Pilipinas maliban lang kung siya’y natural born Filipino citizen, rehistradong botante, kayang magbasa at magsulat, 40 anyos na sa araw ng halalan at nanirahan sa Pilipinas ng 10 taon bago ang halalan.

Malinaw na hindi kasali rito ang usaping droga.

DISKWALIPIKASYON SA DROGA GAWING BATAS

Dahil hindi kasali sa tadhana ng Konstitusyon ang paggamit o pagkakasangkot sa droga bilang batayan para madiskwalipika ang kandidatong Pangulo o sinomang kandidato sa iba pang posisyon, malamang na may mga user o sangkot sa droga na kandidato.

Kaya nga sa panahon ng panunungkulan ni Pang. Digong, may mga tinawag nitong narco-politician at bibihira na nagkamali ang Pangulo sa pagtukoy sa mga ito dahil nakabatay sa intelligence sources ang kanyang mga pahayag dito.

Upang maging bahagi ang pagkakasangkot sa droga bilang batayan ng pagbabawal sa isang tao na kumandidato sa pagka-Pangulo at iba pang posisyon,  dapat may batas para rito.

Problema nga lang ang posibilidad na amyendahan muna ang Konstitusyon upang lamnin nito ang pagkakasangkot sa droga para madiskwalipika ang kandidato.

SIRAULONG LIDER AT SIRANG GOBYERNO

Bagama’t malinaw na hindi kasali ang pagkakasangkot sa droga bilang batayan ng pagtanggi ng Comelec na aprubahan ang kandidatura ng isang politiko dahil hindi nga ito itinatadhana ng Konstitusyon, malinaw namang patutungo sa siraulong lider at sirang gobyerno ang bunga ng pagkakasangkot sa droga ng isang kandidatong mahahalal.

Hindi kaila sa lahat kung paano nagiging abusado, korap at sangkot sa mga krimeng pagpatay, rape at iba pa ang mga sangkot sa droga.

Hindi rin kaila kung paano nasisiraan ng ulo ang mga user o napapraning sa paggamit ng iba’t ibang droga dahil nasa kalsada, nasa mga tahanan, nasa mga rehab center ang mga ito.

Kaya naman, dahil sa masasabing kakulangan ng Kontitusyon at batas ukol sa pagkakasangkot sa droga bilang batayan ng diskwalipikasyon sana, ipaubaya na lang sa lahat ng mamamayan ang pagpapasya.

Sana wala silang ihahalal na sangkot sa droga sa 2022.