Drug transaction ni Colangco, De Lima walang sapat na ebidensya – legal counsel

Drug transaction ni Colangco, De Lima walang sapat na ebidensya – legal counsel

February 7, 2023 @ 7:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bigo umanong makapagpresenta ng ebidensya ang convicted drug dealer na si Herbert Colanggo na sangkot si dating Senador Leila de Lima sa transaksyon sa illegal na droga noong namumuno pa ito bilang Justice secretary.

Ito ang sinabi ni Filibon “Boni” Tacardon, legal counsel ni De Lima, nitong Lunes, Pebrero 6 kasabay ng pagpapatuloy ng cross examination ni Colangco sa Muntinlupa Hall of Justice, na dinaluhan din ni De Lima.

“Ang isang magandang napalabas natin kay Herbert Colangco is despite all his accusations against Senator Leila de Lima, there is not a single thread of evidence presented to prove such transactions. Ang gusto lang ni Herbert Colangco paniwalaan natin siya dahil ito’y sinabi niya, na isang inmate na umamin na siya’s convicted ng robbery na kung saan may napatay,” ani Tacardon.

Matatandaan na sinabi ni Colangco na ihahayag niya ang mga ebidensya na magdidiin kay de Lima na sangkot ito sa transaksyon ng illegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ani Colangco, nagbibigay umano siya ng P1.2 milyon kay dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Bucayu buwan-buwan at nagbigay din siya ng pera sa dating aide ni De Lima na si Joenel Sanchez.

Sa kabila nito, sinabi ni Tacardon na hindi sapat ang ebidensya ni Colangco sa mga paratang na ito.

“Inamin niya na wala siyang kasulatan at sinasabi niya, illegal daw ‘yun kaya hindi niya naisusulat…‘yung mga pinaggagawa niya kaya wala siyang record nito. Nagkaron daw siya ng record dati kaya lang sinunog daw niya at tinapon. Kahit ‘yung sinabi niyang ka-text niya se de Lima, inamin rin niya na wala siyang patunay na siya nga ‘yung nakapag-text o nakapag-communicate sa kanya at lahat yan ay salita daw lang niya ang kanyang paninindigan,” dagdag ng abogado ni De Lima.

Si De Lima ay kasalukuyan pa rin na nasa pag-iingat ng Philippine National Police Custodial Center sa loob ng Camp Crame mula pa noong Pebrero 2017. RNT/JGC