DRUGLORDS MALALAKAS ANG KONEK SA SCALAWAGS

DRUGLORDS MALALAKAS ANG KONEK SA SCALAWAGS

December 12, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


ANG lalakas ng loob talaga ng mga druglord na magpalaganap ng mga droga.
Sa labas man o sa loob ng bansa.

Pinakahuling gawa ng mga ito ang pagpapasok at pagluluwa ng mga shabu sa ating mga paliparan, lalo na riyan sa Ninoy Aquino International Airport.

May kulang-kulang sa isang kilo ang sinubukang ipadala sa New Zealand ngunit nasabat ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa loob ng, Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Sa kabilang banda, natagpuan naman ang mahigit sa 1.6 kilo na shabu at galing sa Mexico.
Ibig lang sabihin ng mga pangyayaring ito na may mga nagpapadala mula sa Pilipinas at may tumatanggap naman sa Pilipinas.

Sabi ng mga awtoridad, aalamin umano nila ang mga pagkakilanlan sa mga nagpapadala at tumatanggap.

Mabuti na lang at matalas ang pang-amoy ng ating mga bantay sa mga paliparan.

ANG MASAMANG BALITA

Kung iisipin, napakasamang balita ang nanggaling sa Mexico.

Nangangahulugan lang na tama ang sinasabi ni Pangulong Digong noon pa na may mga koneksyon na sa Pilipinas ang mga drug cartel sa Mexico.

Alam naman natin na pinaghahari-harian ng mga druglord ang Mexico at hirap na hirap ang kanilang pamahalaan na sugpuin ang mga ito.

Araw-araw, oras-oras ang patayang nauugnay sa droga sa Mexico at sinasabing may 85,000 nang namamatay simula nang isalang ang Mexican military laban sa mga druglord.

Walang sinasanto sa bansang ito: Para sa mga killer, ordinaryo lang ang mga pari at mediaman na pinapatay.

May napatay nang mahigit sa 60 na pari simula noong 2012.

Ang mediamen?

Mula 2006 hanggang 2020, mayroon nang 120 pinatay at nagpapatuloy ang masamang kalagayang ito.

Sana naman, magbuhos ang lahat ng panahon at iba pang bagay laban sa droga para na rin sa kabutihan ng lahat.