Dry run para sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth, umarangkada!

Dry run para sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth, umarangkada!

March 9, 2023 @ 3:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagsimula na ang 11-day dry run para sa exclusive motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Huwebes, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Inumpisahan ang dry run dakong alas-8 ng umaga pagkatapos ng rush hour traffic, ayon sa ulat.

Kasado ang dry run mula March 9 hanggang 19, kung saan magsisimula ang full implementation sa March 20. Pagmumultahin ang violators ng P500.

“Nagsisimula na po ngayon. Ang ginawa natin, magli-linya tayo ng mga enforcers doon sa motorcycle lane at nag-assign tayo ng motorcycle unit na iikot para gabayan ‘yung ating mga motorcycle riders,” pahayag ni MMDA chairman Romando Artes.

Subalit, ilang motorcycle drivers ang humiling sa awtoridad na ayusin ang potholes sa motorcycle lane.

“Sa kabila tuwid ‘yung lane niya, tapos sa motorcycle puro lubak-lubak kaya lumilipat ‘yung iba,” anang isang motorcycle rider.

Sinabi naman ni Artes na makikipag-ugnayan sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para tugunan ito.

Inihayag ng MMDA na layunin ng exclusive motorcycle lane na bawasan ang road accidents sa mga motorsiklo.

May kabuuang 1,686 o average na limang motorcycle-related road crash incidents kada araw ang naitala sa kahabaan ng Commonwealth Avenue noong 2022, batay sa datos ng MMDA.

Sa bilang na ito, 930 insidente ang nagresulata sa non-fatal injuries, 743 ang nagdulot ng damage to property, habang 13 ang naging mitsa ng fatal injuries. RNT/SA