DSWD agad naghatid ng P20M tulong sa Ilocos Norte quake victims

DSWD agad naghatid ng P20M tulong sa Ilocos Norte quake victims

October 27, 2022 @ 12:35 PM 1 month ago


LAOAG CITY –SINIGURO ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) na ipamimigay ang halagang P20M cash assistance at 10,000 food packs sa mga biktima ng lindol sa Ilocos Norte.

Sa pagbisita ni DSWD chief Erwin Tulfo sa Ilocos Norte nitong Miyerkules, sinuri nito ang sitwasyon sa lalawigan para sa pagbibigay ng mga paunang tulong sa mga pamilya na apektado lalo ang mga nasirang bahay at agad na nagpaabot ng mga emergency food stockpiles.

Base sa paunang ulat, hindi bababa sa isang bahay ang totally damaged at 55 na bahay ang partially damaged sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Aabot naman sa 36 na indibidwal ang iniulat na nasugatan at hindi bababa sa dalawa na may malubhang pinsala at dinala sa ospital para sa malapatan ng lunas.

“Inutusan ko na ang ating mga social welfare officers na magsagawa ng cash payout pagkatapos ng tanghalian sa mga apektadong pamilya na may mga nasirang bahay,” ani Tulfo.

Makakatanggap ng P10,000.00 ang bawat isa sa mga partially damaged na bahay habang ang mga totally damaged ay tatanggap ng P30,000 mula sa DSWD.

Matapos bisitahin ang mga nasugatang biktima sa ospital at magsagawa ng ocular inspection sa mga bayan ng Pagudpud at Adams na naapektuhan ng lindol, na nauna ring hinagupit ng tropical cyclones na Neneng at Obet, sinabi ni Tulfo na susunod niyang bibisitahin ang Abra, kung saan natunton ang epicenter ng lindol para magbigay din ng tulong.

Ayon naman kay Ilocos Norte Gov. Matthew Joseph Manotoc hiniling na niya sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ideklara ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity.

“Nasa state of calamity pa rin tayo pero kailangan nating linawin na muli tayong nasa ilalim ng panibagong state of calamity dahil sa lindol,” ani Manotoc.

Patuloy naman ang ginagawang assessment ng mga pinsala sa nasabing lindol mula sa 21 bayan at dalawang lungsod.

Pinaalalahanan naman ni Manotoc ang publiko na tiyakin nila ang dapat gawin sa gitna ng kalamidad at asahan ang mas maraming aftershocks.

Pinayuhan rin ng pamahalaan panlalawigan ang mga may-ari ng bahay na suriin ang kanilang gas at electrical connections, at magluto lamang sa loob ng kanilang mga tahanan kung sigurado silang ligtas ang mga kagamitan at at koneksyon para maiwasan ang sunog.

Sa mga biktima ng lindol na nangangailangan ng pagpapayo ay maaaring makipag-ugnayan sa pamahalaan ng Ilocos Norte sa pamamagitan ng “Speak Up, I’m Here” na programa ng serbisyo sa kalusugang pangkaisipan sa 0921-952-9236.

Para sa tulong sa pagkain, maaaring tawagan ang Provincial Social Welfare and Development Office sa 0920-504-9237.

Hinihikayat din ang mga residente na mag-imbak ng tubig at i-sterilize ang anumang hindi nakabote na tubig sa pamamagitan ng pagpapakulo nito sa loob ng limang minuto.

“Huwag mamasyal sakay ng kotse o kung hindi man. Kailangang malinis ang mga kalsada para sa mga sasakyang pang-emergency,” nakasaad pa sa mga paalala ng pamahalaan panlalawigan na naka-post sa kanilang mga opisyal na social media account./Mary Anne Sapico