DSWD AYUDA PABILISIN

DSWD AYUDA PABILISIN

June 27, 2022 @ 8:26 PM 1 month ago


Inaasahang malaki ang pagbabagong ipatutupad ng batikang brodkaster at incoming DSWD Secretary Erwin Tulfo sa loob ng ahensya batay na rin sa kautusan ng uupong Pangulong si Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr.

Kabilang dito ang pagpapabilis ng proseso ng medical at burial assistance sa mga pobreng kababa­yan na karaniwan nang nagkukum­pulan sa mahabang pila ng mga field office ng ahensya sa lalawigan .

Nais ni Secretary Erwin na ayu­sin ang sistemang ito upang hindi na maraming staff ang daraanan ng sinomang kamag-anak ng nangangailangan ng tulong bago maibigay ang ayudang kadalasan ay pambili ng gamot ng pasyente sa ospital o kaya naman pambayad ng kabaong sa punerarya.

Sa totoo lang, umaabot ng halos tatlong araw hanggang isang linggo ngayon bago matanggap ang assistance na hinihingi ng sinoman mula sa ahensya dahil sa marami ang kakausapin at papipirmahin na personnel bago ma-re­lease ang tulong.

Bukod pa riyan ang pabalik-balik na mga kababayan sa opisina ng DSWD bunsod sa hinihinging requirements ng social workers na mistulang aplikante sa trabaho ang kaharap nilang saksakan ng napakaraming dokumento ang kailangan na isumite.

Hindi pa kabilang ‘dyan ang pamumulitika sa pagkuha ng Certificate of Indigency kung saan kapag kalaban ng Kapitan o kaya Kagawad ng Barangay, pahirapan ang pagbigay ng mga mokong ng dokumentong ito sa kanilang nasasakupang mas lalo pang nagpapatagal sa pag­hingi ng ayuda.

Subalit kung ang kongresista na ang tumatawag sa mga hepe ng field offices, mabilis pa sa alas kuwat­rong naibibigay agad ng ahensya ang kinakailangang tulong na taliwas naman sa proseso ng ordinaryong Juan Dela Cruz.

Ayon kay Secretary Erwin, kung kinakailangang iisang social worker lang ang kausap ng humihi­ngi ng ayuda ay ipatutupad niya upang maibsan ang nararanasang penitensya ng nakararaming pob­reng kababayang umaasa ng tulong ng ahensya.

Naniniwala ang kalihim na tsampyon sa serbisyo publiko na dapat tutukan ng kagawaran ang taumbayang higit na nangangaila­ngan ng pagkalinga ng gobyerno sa halip na mga amoyong ng mga politikong marangya naman ang pa­mumuhay.

Aniya, sila ang nasa laylayan ng lipunan na kailangang matugunan ng pamahalaan ang pangunahing pangangailangan.