DSWD: Food boxes sapat para sa Florita victims

DSWD: Food boxes sapat para sa Florita victims

August 24, 2022 @ 8:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sapat ang bilang ng food boxes para sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Florita, ayon kay Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo nitong Martes.

Sa isang press briefing kasama ang iba pang Cabinet members, sinabi ni Tulfo na mahigit 100,000 food boxes para sa mga biktima ang naka-standby sa Ilocos Region at sa Cagayan Valley.

“We have sufficient… we have over 100,000 food boxes na naka-standby lang sa Regions 1 and 2. In Region 1, we have 20 million to 25 million AIC (assistance to individuals in crisis) na naka-ready din. Sa evacuation, ganon din. Naka-ready na ang evacuation sites with the help of LGUs (local government units),” pahayag niya.

Sinabi ni Tulfo na binabantayan ng DSWD ang mga development sa mga apektadong lugar, partikular na sa lalawigan ng Isabela.

“We’ve already alerted all of our regional offices sa CAR (Cordillera Administrative Region), Region 1, Region 2, Region 3. They are on standby now just in case kailangan ng tulong,” dagdag niya.

Nauna nang inanunsyo ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa government offices at klase sa lahat ng lebel sa public schools sa Metro Manila, at mga karatig-probinsya ng Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales, at Bataan mula Martes hanggang Miyerkules dahil sa pananalsa ng bagyong Florita. RNT/SA