DSWD HANDA SA ANOMANG KALAMIDAD

DSWD HANDA SA ANOMANG KALAMIDAD

October 3, 2022 @ 6:53 PM 2 months ago


PATULOY na nakikipag-ugnayan ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ni Kalihim Erwin Tulfo sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan lalo na sa local government units  upang masegurong handa ito sa anomang sakuna at kalamidad na posibleng tumama sa ilang lugar sa bansa.

Maliban sa pakikipag-pulong ng ahensyang ito sa NDRRMC,AFP,PNP,DND,DOST at iba pang departamentong rumeresponde kapag dumarating ang sakuna tulad ng bagyo at malalakas na lindol, abala rin ang mga opisyal ng DSWD sa pagiikot sa mga tanggapan nito upang alamin at suriin ang kahandaan ng mga kawani nito sa bawat lalawigan laban sa anomang kalamidad.

Mismong ang aktibong si Secretary Tulfo ang nakikipag-usap sa mga gobernador, kongresista, mayor at bokal kung saan personal niyang inaalam ang pangangailangan ng mga nasasakupan nito upang agarang matugunan at maging handa sa anomang hindi inaasahang pagkakataon.

Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng kagawaran ang pag-iinspeksyon sa mga warehouse para malaman kung may sapat na naka-imbak na pagkain, hygiene at family planning& kits na sadyang kailangan ng mga posibleng maaapektuhang pamilya sa panahon ng mga sakuna at mala delubyong bagyo.

Batid ng lahat na ito ang panahon na dumarating sa bansa ang malalakas na bagyo kaya kailangan ang ibayong paghahanda ng lahat ng ahensya upang agarang matugunan ang pangangailangan ng lahat na posibleng maapektuhan nito.

Mula nang umupo si Secretary Tulfo, katuwang na ng mga lokal na pamahalaan ang DSWD bilang 1st responder tuwing binabayo ang bansa ng kalamidad kaya naman naging pangkalahatang alituntunin na ng ahensya ang agarang mabigyan ng tulong ang mga nasalanta lalo na ang pamimigay ng pagkain na sadyang pangunahing pangangailangan ng tinamaang mga pamilya.

Naniniwala ang butihing kalihim sa mabilisan at mapagkalingang serbisyo ng kagawaran sa mga mahihirap na mga kababayang sadyang unang apektado ng mga kalamidad na itong mas lalo pang magpapahirap sa kanila kapag hindi natugunan ng gobyerno ang pangangailangan nila.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com