DSWD handang magbukas kahit weekend para sa mga nais magpalista sa 4Ps

DSWD handang magbukas kahit weekend para sa mga nais magpalista sa 4Ps

August 31, 2022 @ 7:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbukas ng kanilang mga tanggapan sa mga araw ng Sabado at Linggo, kung kinakailangan para ma-accommodate ang mga katanungan ng indibidwal at pamilya na nagnanais na maging bahagi ng  Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ang inisyatibang ito ay naglalayong bigyang-daan ang mga single parent, mahihirap na pamilya, magsasaka, mangingisda at indibiduwal na naghahangad na mapabilang sa 4Ps.

“Bubuksan natin ang mga gate ng DSWD,” ayon kay Tulfo.

Ang mga pangalan ng mga indibidwal at pamilya ayon sa Kalihim na ipatatala ang kanilang mga sarili para makasama sa programa ay “still subject to validation and verification” ng mga tauhan ng DSWD para madetermina kung sila ay nasa klasipikasyon ng “mahirap” batay sa  gamit na gagamitin ng  standardized targeting system o “Listahanan.”

“Enrolled households during the On-Demand Application (ODA) have no guarantee to be automatically included in the program as they will undergo further evaluation and should meet the eligibility set by 4Ps,” ayon sa Kalihim.

Sinabi pa nito na ang listahan naman ng mga  graduating o mga aalising pamilya mula sa  4Ps parent leaders ay isasailalim sa masusing balidasyon at cross-matching sa database ng departamento at sa resulta ng Listahanan 3.

“Iko-compare po natin ang listahan nila [parent leaders] sa listahan ng 4Ps to make sure na lahat ng aalisin natin ay talagang makatatayo na sa kanilang mga paa,” pahayag ni Tulfo.

Tiniyak pa nito ang walang pag-aalinlangan na implementasyon ng 4Ps na naglalayong tulungan ang mas maraming karapat-dapat na mahihirap na pamilya.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan.

Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.
Kailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansiyal.

Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na napalaya sa kahirapan ang milyon-milyong tao sa buong mundo.

Ang DSWD ang punong ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa 4Ps. Kris Jose