DSWD handang mamigay ng P1K inflation ayuda ‘pag badyet na

DSWD handang mamigay ng P1K inflation ayuda ‘pag badyet na

March 10, 2023 @ 5:46 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Handang mamahagi ng P1,000 na inflation ayuda ang Department of Social Welfare and Development sa oras na maibigay na ang pondo sa kanilang opisina para rito.

Kamakailan ay sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na magbibigay ang administrasyong Marcos ng P1,000 inflationary assistance sa nasa 9.3 milyong Pinoy na nasa ‘poorest of the poor’ maging ang mga indigent senior citizen.

“Dito po magiging mabilis, kasi once na downloaded na po ang ating funds na po ay ito po ay ita-top up na o idi-deposit na po doon sa mga cash card o ATM po noong atin pong mga beneficiaries,” sinabi ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Rommel Lopez sa Laging Handa briefing.

“So, ito po ay P1,000 po in total. So, iyon nga po, kapag ito po ay naibaba na po sa atin ang pondo ng [Department of Budget and Management] ay diri-diretso na po ito. Iko-coordinate lang po natin sa Land Bank of the Philippines and then ito po ay matatanggap na ng ating mga beneficiaries.”

Sa ulat, bahagyang bumagal ang inflation sa 8.6 percent nitong Pebrero mula sa 8.7 percent noong Enero.

Ani Lopez, hindi inaalis ng DSWD ang posibilidad na palawigin ang targeted cash transfer program, depende pa rin sa badyet dito.

“So hindi po tayo masu-surprise, depende po sa discretion ng ating Pangulo at depende rin po sa tulong ng ating mga economic managers, kung may makakalap pa na pondo. We cannot discount the possibility na ito po ay mai-extend. But then, iyon nga po hihintayin po natin kung ano po talaga iyong magiging desisyon po ng higher-ups at siyempre iyong tugon dito noong atin pong mga economic managers. Ang DSWD lang po, since tayo po ang implementing agency nito ay magiging ready naman anytime to implement po iyong ganitong mga programa,” aniya. RNT/JGC