DSWD KUMAKALINGA SA NASA LAYLAYAN NG LIPUNAN

DSWD KUMAKALINGA SA NASA LAYLAYAN NG LIPUNAN

October 29, 2022 @ 3:45 PM 1 month ago


KUNG may ahensyang abala sa pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap,ito na ang Department of Social Welfare and Development kung saan puno ng lahat ng klase ng programang sadyang kumakalinga sa halos lahat na mga pobreng mamamayan.

Magmula sa 4Ps na nagsimulang ipatupad noong 2007 kung saan target lang ang 6,000 na pamilyang binigyan ng tulong, umabot na sa 4.4 milyong households ang benepisyaryo nitong layunin naman na basagin ang laganap na ilang henerasyong kahirapan sa bawat pamilya sa pamamagitan ng edukasyon.

Bagaman hindi lahat ng estudyante ng mga pamilyang ito ay nakapagtapos ng kolehiyo subalit maraming magagandang istorya ng mga benepisyaryo ang guminhawa ang buhay sa pamamagitan ng kanilang mga anak na matagumpay na naitawid ang pag-aaral at naging titser,pulis o kaya’y nakapagtrabaho ng marangal at ngayo’y itinuturing na bread winner na rin ng pamilya.

Ganoon din ang KALAHI-CIDSS na unang ipatupad ang mga programa nito sa Dolores,Quezon noong 2003 kung saan makalipas ang dalawang dekada ay libo-libong health centers, kalsada, water rehabilitation projects, street lights at iba pang proyektong pinakikinabangan na ng mamamayan katuwang ang LGUs at komunidad sa tinaguriang pobreng bayan-bayanan.

Naging instrumento rin ang Sustainable Livehood Program ng ahensya sa pagbibigay ng kabuhayan kabilang ang pamamahagi ng lambat at bangka sa mangingisda, kapital sa sari-sari store ,puhunan sa maliliit na babuyan at iba pang negosyo sa liblib na mga lugar na naging tulay ng mga pamilyang ito upang umangat ang antas ng pamumuhay nila.

At mas lalo pang pinaigting ang pagpapatupad ng iba’t-ibang programa nito nang umupo si Kalihim Erwin Tulfo kung saan nagsimulang buksan ang karagdagang satellite office ng Assistance to Individuals in Crisis Situation sa ilang lugar sa bansa upang mailapit sa taumbayan ang serbisyong medikal, burial at educational assistance sa mga mahihirap na estudyanteng salat sa pang-matrikula at iba pang gastusin sa pag-aaral.

Isinagawa rin ni Tulfo ang agarang tulong sa pamamagitan nang pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan sa mga apektadong pamilya ng lindol, bagyo at iba pang kalamidad upang maramdaman nila ang seryosong pagsisilbi ng ahensya sa panahon ng krisis.

Umaani ng papuri ang itinuturing na ama ng ahensyang puno ng kabutihan ang pusong kanlungin at pagsilbihan ang nasa laylayan ng lipunan sa bansa.