DSWD may P1.4B pondo pa pantugon sa sakuna

DSWD may P1.4B pondo pa pantugon sa sakuna

October 28, 2022 @ 8:03 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bunsod ng sunod-sunod na kalamidad at nagbabadyang paghagupit ng bagyo ngayong linggo, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo ang gobyerno para tumugon sa mga sakuna at kalamidad.

Sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na mayroon pa ring P1.4 bilyon ang departamento, kabilang ang P450 milyon na standby funds.

“So, handa po tayo at mayroon tayong pondo hanggang sa katapusan ng taon para rumesponde sa pangangailangan ng ating mga kababayan na maaapektuhan ng mga bagyo at mga kalamidad” pagsisiguro ni Punay.

Agad aniya na binisita ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang mga lugar na naapektuhan ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa Abra noong Martes ng gabi.

Pumunta rin aniya si Tulfo sa Lagayan, Abra para magbigay ng tig-P5,000 sa pitong sugatang residente.

Ayon sa weather bureau, napanatili ni Paeng ang lakas nito habang dahan-dahang kumikilos patungong timog-kanluran at inaasahang lalakas pa habang gumagalaw sa mainit na tubig ng Philippine Sea. RNT