DSWD nagbabala sa publiko vs mga pekeng empleyado na nangingikil ng pera

DSWD nagbabala sa publiko vs mga pekeng empleyado na nangingikil ng pera

July 21, 2022 @ 2:21 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na mga empleyado ng ahensya na nangingikil ng pera kapalit umano ng financial assistance mula sa mga programa nito.

Inilahad ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na sinumang mahuling nagsasagawa ng nasabing krimen ay kakasuhan ng  usurpation of authority, falsification of public documents, at large-scale estafa.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto ng lalaki, alyas Jay Lagrimas, nitong Martes dahil sa pagpapakilala bilang DSWD-National Capital Region staff member at pagsasabi sa mga tao na ililista sila bilang benepisyaryo ng DSWD assistance kapalit ng registration fee.

Paglilinaw ni Lopez, ipinagbabawal sa mga empleyado ng DSWD na magbahay-bahay at direktang kausapin ang mga tao para sa “transparency”.

“Paalala sa ating mga kababayan, ‘yung mga ganitong programa ng DSWD, ay hindi kayo babahay-bahayin ng mga ‘yan para tanungin kung gusto niyong mapasama. ‘Yan ay lagi pong may proseso — dadaan sa barangay at makikipag-coordinate doon sa mga barangay workers para sa gayon ay ipatawag kayo at kausapin po kayo,” aniya.

“Hindi mangyayari ‘yung parang naga-ahente ‘yung taga-DSWD dahil ‘yan po ay una, pinagbabawal, at for transparency,” dagdag ni Lopez.

Ayon oa kay Lopez, kinokonsidera ng ahensya na gawain ng mga grupong kriminal ang pagpapanggap bilang kanilang empleyado para makapangikil ng pera. RNT/SA