DSWD, nagpadala ng tulong sa flood victims sa VisMin

DSWD, nagpadala ng tulong sa flood victims sa VisMin

December 26, 2022 @ 7:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ikinasa na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief operations sa mga lugar sa Visayas at Mindanao na apektado ng pagbaha.

Sinabi ng Malakanyang na ang relief operations ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa katunayan, sinimulan na ng DSWD field offices sa Eastern Visayas at Northern Mindanao ang pamamahagi ng family food packs sa flood-hit residents ng Eastern Samar, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin at Bukidnon.

Sinabi ni Grace Subon, DSWD regional director sa Eastern Visayas, na may 32,458 indibiduwal ang apektado ng pagbaha sa anim na bayan sa Eastern Samar (Jipapad, Oras, Arteche, Mercedes, Taft at Giporlos) nito lamang holiday weekend.

Aniya pa, nakikipag-ugnayan sila sa municipal government para sa pamamahagi ng 45,000 food packs at P10 million na standby funds.

Inihayag naman ni Ramel Jamen, DSWD regional director sa Northern Mindanao, na nagsimula na rin silang mamigay ng food at non-food relief items sa 9,342 pamilya o 45,687 indibiduwal sa mga lalawigan sa Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin at Bukidnon.

Sa mga apektado, sinabi ni Jamen na 9,256 pamilya o 45,242 indibiduwal ang nananatili sa evacuation centers “as of 3 p.m. Sunday.”

Habang mahigit lamang sa 12,000 family food packs ang available sa kanilang field office, kaagad naman aniyang nag-request ng karagdagan mula sa kalapit na regional offices.

Ani Jamen, ang kanilang tanggapan ay mayroong P7.3 million na standby funds para sa relief operations.

Maliban sa family food packs at non-food relief items gaya ng modular tents, medical kits at hygiene kits, naghanda rin ang DSWD ng cash sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program.

Samantala, wala namang na-monitor ang Pag-asa ng kahit na anumang tropical cyclone o low pressure area subalit “a shear line is causing moderate to heavy to at times intense rainfall in Eastern Visayas, Surigao del Norte and Dinagat Islands; and moderate to heavy rains over Southern Palawan, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao and the rest of Caraga and the Visayas.” Kris Jose