DSWD naka-red alert sa bagyong Rosal

DSWD naka-red alert sa bagyong Rosal

December 11, 2022 @ 2:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang publiko na handa ang ahensya at nakaalerto sa posibleng maging epekto ng Tropical Depression Rosal.

Ipinag-utos na ni Tulfo sa lahat ng DSWD field offices na maghanda sa pamamagitan ng technical assistance at resource augmentation sa lahat ng local government units (LGUs) batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging handa sa pagtugon sa pangangailangan dulot ng bagyo.

“Tinitingala tayo ng mga tao and we are expected to do our job. And our job is to respond to every calamity or disaster,” pahayag ni Tulfo sa isang news release nitong Linggo, Disyembre 11.

Sa pagpupulong noong Disyembre 9, nagbahagi ang mga DSWD regional directors sa kahandaan ng ahensya katulad ng standby funds at stock ng mga pagkain at non-food items.

Sa ulat ng DSWD Central office nitong Sabado ng gabi, Disyembre 10, mayroong mahigit P1.4 bilyon na stockpiles at standby funds ang FOs at National Resource Operations Center (NROC) at mahigit 547,000 family food packs na handang ipamahagi sa mga LGUs. RNT/JGC