DSWD nakapamahagi na ng P105M tulong sa mga biktima ng Christmas flooding

DSWD nakapamahagi na ng P105M tulong sa mga biktima ng Christmas flooding

January 9, 2023 @ 8:24 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa P105,131,285.14 halaga ng tulong ang natanggap ng ileng rehiyon na apektado ng pag-ulan at pagbaha dahil sa shear line noong Kapaskuhan.

Sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na ang Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, at Caraga Regions ang mga lugar na nakatanggap ng tulong.

Ang tulong ay kinabibilangan ng family food packs, emergency shelters, hygiene kits, blankets, bottled water, at iba pang relief items.

May kabuuang 681,500 katao o 170,978 pamilya sa 1,133 barangay ang apektado ng shear line.

Sa nasabing apektado, may 16,300 indibiduwal o 4,711 pamilya ang nananatili sa 100 evacuation centers; habang 40,918 katao o 10,909 pamilya ang tumuloy sa ibang lugar. Nananatili naman sa 52 ang namatay kung saan 13 ang kumpirmado habang 39 naman ang nananatiling bina-validate.

Mayroon naman ayon sa NDRRMC na 18 katao ang napaulat na nawawala habang 16 naman ang nasugatan.

Sinabi ng NDRRMC na ang pinsala sa agrikultura ay nananatili sa P325,279,850.12. nakapagtala rin ang National Irrigation Administration ng P2,050,000 halaga ng pinsala.

Samantala, umabot naman sa P268,565,000 ang pinsala at imprastraktura.

Napinsala rin ng shear line ang 5,152 bahay, ang halaga ng pinsala ay umabot sa P101,615,000.

Sa nasabing bahay, 4,242 ang partially damaged habang 910 naman ang totally damaged. Kris Jose