DSWD namahagi ng P28.1M ayuda sa Misamis flood victims

DSWD namahagi ng P28.1M ayuda sa Misamis flood victims

January 1, 2023 @ 12:33 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagbigay na ng mahigit P28.1 milyon na halaga ng cash assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya ng matinding pagbaha at landslide dulot ng shear line sa mga probinsya ng Misamis Occidental at Misamis Oriental.

Sa pahayag nitong Sabado, Disyembre 31, pinangunahan ni DSWD Region 10 (Northern Mindanao) Assistant Director Ronald Ryan Cui ang pamamahagi ng financial assistance at family food packs sa 11 local government units (LGUs) ng Misamis Occidental at sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Batay sa report ng ahensya, mayroong 1,016 residente mula sa Jimenez, 422 pamilya mula sa Plaridel, sa Misamis Occidental at 24 pamilya mula Gingoog City ang nakatanggap ng FFPs at ayudang pinansyal.

Ang bawat pamilya ng mga nabanggit na bayan ay nakatanggap ng P5,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Samantala, mayroon din na nasa 932 residente mula sa bayan ng Tudela, 576 pamilya mula sa Clarin at 505 pamilya mula sa Sinacaban ang nakatanggap din ng cash assistance.

Mayroon din 124 residente ng Ozamiz City, 128 pamilya mula sa Panaon at pitong pamilya mula Baliangao sa Misamis Occidental ang nakatanggap ng ayuda dahil sa mga partially-damaged houses.

Bilang karagdagan, mayroon din na 1,732 benepisyaryo ang nakatanggap ng financial assistance sa Oroquieta City, 632 pamilya mula sa Aloran at 492 pamilya sa Lopez Jaena ang naayudahan.

Personal naman na inabot ni Cagayan de Oro City Mayor Rolando Uy ang tseke na nagkakahalaga ng P2 milyon piso kay Misamis Occidental Vice Governor Rowena Gutierrez bilang tulong ng lungsod sa probinsya. RNT/JGC