DSWD: Pakikipagtulungan sa Angat Buhay, ‘di kolaborasyon

DSWD: Pakikipagtulungan sa Angat Buhay, ‘di kolaborasyon

August 28, 2022 @ 3:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi direktang “collaboration” ang pamamahagi ng ayuda ng ahensya kasama ang Angat Buhay foundation ni dating Vice President Leni Robredo.

“Well, hindi naman po collaboration in a sense na we will be working with them talaga na 100 percent ka-tie up namin sila, hindi naman po,” pahayag ni Lopez.

Ayon pa kay Lopez, payag o nakahanda lamang aniya ang Angat Buhay ni Robredo para tumulong sa information dessimination upang agad na maabot ng mga kababayan ang tulong ng DSWD.

“Ito po ay, sinabi lang po ni dating vice president Leni Robredo sa kanyang courtesy call kay Secretary Erwin Tulfo na willing po sila na tumulong at lalo na po dun sa information dessimination po pag may kalamidad para mapabilis maabot ang tulong ng ating mga kababayan,” dagdag ni Lopez.

Hindi lamang aniya sa Angat Buhay kundi may mga NGO na katuwang na tinatanggap dahil bukas naman aniya ang DSWD sa kahit anong organisasyon.

“Basta amin lang pong nilinaw magkaroon lamang po ng prior coordination dahil ito po ang gusto sana ni secretary Erwin na mas marami po yung magkakatuwang para sa ganun po maalalayan lalo yung ating mga kababayan”, sabi pa ng tagapagsalita ng DSWD sa Balitaan sa Maynila.

Samantala, umaasa si Lopez na madagdagan ang kanilang pondo para sa 2023 dahil marami aniyang nakaabang na proyekto ang kasalukuyang liderato ng ahensya.

” Umaasa kami na pagharap namin sa Congress eh hindi po Ito mababawasan bagkus baka po madagdagan para mas marami po yung kababayan natin na maabot po ng tulong ng national government sa tulong po ng DSWD kasi ito naman po ang gusto ng ating Pangulo Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,– mas marami po yung maabot ng tulong ng pamahalaan sa masabilis po na panahon”, sabi pa ni Lopez. Jocelyn Tabangcura-Domenden