DSWD programs, magpapatuloy – Punay

DSWD programs, magpapatuloy – Punay

December 29, 2022 @ 2:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Officer-in-Charge (OIC) Eduardo “Edu” Punay na magpapatuloy ang mga programa ng departamento habang siya ay “on top of the agency.”

Itinalaga si Punay bilang OIC ng DSWD matapos na ipagpaliban ng Commission on Appointments ang kumpirmasyon ni Secretary Erwin Tulfo bilang hepe ng DSWD noong Nobyembre kasunod ng pagkuwestiyon sa kanyang US citizenship at nagdaang libel convictions.

“Talaga pong bilin ng Pangulong (Ferdinand “Bongbong Marcos Jr.) na siguraduhin na tuloy-tuloy at maayos ang patakbo ng mga programa namin sa DSWD na napakacrucial specially now sa naranasan nating pagbaha sa Visayas and Mindanao, crucial po ang role ng DSWD sa disaster response. Lalo na sa ating relief operations,” ang litaniya ni Punay.

Sa ngayon, nagbibigay ang DSWD ng relief packs at cash aid sa mahigit na 91,000 Filipino na apektado ng pagbaha dahilan ng “shear line-induced rains” noong araw ng Pasko.

Aniya, ang posisyon niya bilang DSWD OIC ay pansamantala lamang.

“Sabay po nating tinatrabaho ang ating duties bilang undersecretary ng special projects at ngayon ang designation natin bilang OIC, at itong OIC lang naman designation natin, linawin natin, temporary designation po ito until may ma-appoint na permanent secretary po ang ating pangulo,” paglilinaw nito.

Inamin ni Punay na hindi pa sila nakapag-uusap ni Tulfo, kasalukuyang nasa ibang bansa.

“Sa kasalukuyan po ay nakabakasyon po si Secretary Erwin ‘no, yun ang balita natin, at hindi pa po kami nakakapag-usap dahil nasa abroad nga po siya at hindi pa po siya so far nakakabalik sa DSWD,” wika ni Punay.

“Wala pa naman pong specific na instruction si Sec Erwin regarding mga programs pero talagang ganoon naman po yung trabaho namin sa DSWD, marami existing programs kami na kailangan ipagpatuloy,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose