DSWD sa publiko: Makiisa sa Nat’l Women’s Month

DSWD sa publiko: Makiisa sa Nat’l Women’s Month

March 3, 2023 @ 3:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Social welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes, Marso 3 ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong buwan bilang pagkilala sa ambag ng sektor ng mga kababaihan sa pag-unlad ng bansa.

Bilang bahagi ng panawagan ng DSWD, sinabi ng ahensya na ilulunsad din nito ang isang digital advocacy campaign na tampok ang karapatan ng mga kababaihan, batas para sa women empowerment, kabilang ang impormasyon ng mga programa at serbisyo para sa mga babae.

Katatampukan din ito ng collection of gender and development (GAD) knowledge products sa Knowledge Exchange Center (KEC) para sa kabuuan ng selebrasyon.

Ang knowledge products ay maaaring makita ng mga bisita at tauhan ng ahensya sa KEC.

Samantala, kabilang din sa mga adbokasiya ng DSWD bilang suporta sa gender equality ay ang paglalatag ng anti-Violence Against Women and Children’s (VAWC) desks sa Robinson’s Novaliches at Ever Gotesco, Commonwealth, sa Quezon City, mula Marso 13 hanggang 24.

Ang anti-VAWC desks ay uupuan ng mga social workers na magbibigay ng mga nararapat na impormasyon kaugnay ng anti-VAWC laws at interventions sa mga kaso na may mga biktimang nais mag-ulat ng kanilang mga karanasan.

Maliban pa sa public awareness, magsasagawa rin ang DSWD ng serye ng mga aktibidad upang ipakita sa mga empleyado nito ang kahalagahan ng karapatan ng mga kababaihan bilang bahagi ng GAD campaign ng ahensya.

Bilang suporta naman sa kampanya ng Philippine Commission on Womens (PCW), idineklara ng DSWD ang bawat Miyerkules ng Marso na “Purple” day sa Kagawaran, ang globally recognized color para sa month-long celebration.

Gagamitin din nito ang hashtag na #WecanbeEquaLL sa lahat ng mga aktibidad nito. RNT/JGC