DSWD sinita ng COA sa nabulok na Ulysses donation

DSWD sinita ng COA sa nabulok na Ulysses donation

August 16, 2022 @ 10:43 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos matuklasan ng komisyon ang libo-libong in-kind donations para sa mga biktima ng bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020 na hanggang sa ngayon ay nananatiling hindi pa rin naipamamahagi, may ilang expired at nginatngat ng mga daga.

Sa 2021 annual audit report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ISINIWALAT ng COA na ang Field Office II ng departamento sa Cagayan Valley region ay nakatanggap ng 126,172 in-kind donations mula sa iba’t ibang donors mula sa huling bahagi ng 2020 hanggang sa unang bahagi naman ng 2021.

Ang mga donasyon ay kinabibilangan ng “food and non-food items,” na nakalaan para sa mga biktima ng nasabing bagyo.

Nang inspeksyunin ng COA, natuklasan na may 21,824 ng donasyon ang nananatiling “undistributed” para sa taong 2021.

May ilan naman ang nakitang expired, nabubulok at nginatngat at sinira ng mga daga.

“During the inspection, we observed that 223 sachets of milk/choco powder in particular were already expired and destroyed by rats while 1,434 bottles/tablets of medicines are about to expire in April 2022. For canned goods, though not yet expired, they were exposed to rotting and damage,” ang nakasaad sa audit report na ipinalabas noong Hulyo 15.

Hindi lamang ang usapin na may kinalaman sa pagsira ng mga daga sa items ang natuklasan ng COA kundi ang nabigong distribusyon sa 38,796 donated goods.

Bukod pa sa natuklasan ng COA na namahagi ang Regional Resource Operation Section (RROS) ng 30,656 non-food items at 8,140 food items ng walang “proof of issuance o distribution to recipients and proof of conversion to family food packs,” na isang paglabag sa Government Accounting Manual.

“RROS also failed to submit reports of in-kind donations to the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) through the Office of the Civil Defense (OCD),” ayon sa COA.

“The RROS explained that due to the overwhelming number of donations, the receipt and release of funds were no longer tracked or documented,” ang pahayag pa rin ng COA sabay sabing “Moreover, the RROS head was not aware that submission of reports to proper authority is required.” Kris Jose