DSWD ‘TO THE RESCUE’ SA SINALANTA NI PAENG

DSWD ‘TO THE RESCUE’ SA SINALANTA NI PAENG

November 4, 2022 @ 1:42 AM 4 weeks ago


MABILIS ang tugon ng Department of Social Welfare and Development sa mga naapektuhan ng tropical depression “Paeng” kung saan umabot sa 975,000 pamilya o 1.9 milyong indibidwal ang pansamantalang kinanlong sa evacuation centers sa kasagsagan nang pagbayo ng bagyo nitong nakalipas na mga araw.

Bagaman iniwan ni Paeng ang 98 na patay at 63 katao pa ang nawawala dahil sa malawakang pagbaha dulot nang malakas na pagbuhos ng ulan sa ilang lalawigan sa Mindanao, batid ng taumbayan ang agarang pag-responde ng ahensyang pinamumunuan ni Secretary Erwin Tulfo.

Bago pa pumasok sa bansa si Paeng, sunod-sunod na ang isinagawang pagpupulong ng kalihim sa mga Regional Director upang alamin kung gaano pa karami ang naka-stock sa mga warehouse na food packs, hygiene kits, sleeping mats at iba pangangailangan sa iba’t-ibang rehiyon kasabay naman sa pagpapadala ng karagdagang pagkain sa mga lugar na may kakulangan mula sa bodega ng DSWD sa Metro Manila at Cebu.

Maging ang pagsasagawa ng pre-emptive at forced evacuation sa mga lugar na posibleng hagupitin ni Paeng noong Huwebes ng gabi ay inaalam ni Tulfo upang maseguro niya ang kahandaan ng ahensya alinsunod sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na marapat ay may sapat na pagkain para sa maaapektuhang pamilya.

At mismong ang kalihim na nakasakay sa chopper ang naghanap ng daan upang tuloy-tuloy na ang biyahe ng mga dambuhalang trak na may kargang libo-libong pagkain bilang ‘augmentation’ sa mga probinsyang mas nangangailangan ng ayuda para sa mga nasalanta ng bagyong marami ang ibinuwal na punong nakahambala sa mga kalsada.

Maliwanag pa sa sikat ng araw ang taos-pusong pagkalingang ginagawa ng administrasyon ni PBBM na personal na namamahagi ng pagkain sa mga evacuation center katuwang ang kanyang kalihim ng DSWD at mga opisyal ng LGUs.

Naging 1st responder na ang DSWD mula nang mailagay si Tulfo rito kung saan agarang tumutugon ang ahensya sa pangangailangan ng nakararaming kababayang nasa gitna ng krisis.

Ano mang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com