DTI kinompronta ni Tulfo sa ‘mabagal na pagkilos’ vs networking scams

DTI kinompronta ni Tulfo sa ‘mabagal na pagkilos’ vs networking scams

August 22, 2022 @ 6:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinarap at kinompronta ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa mabagal na pagkilos ng ahensiya laban sa naglipanang networking scam na nambibiktima ng consumer.

Sa pagdinig ng Senado, personal na hinarap ni Tulfo si DTI Secretary Alfredo Pascual at iba pang opisya hinggil sa matagal nang reklamo hinggil sa pamamaraan na ginagamit ng multi-level marketing firm na nagbibiktima ng marami upang mamuhunan pero kamalaunan, peke pala.

Dumalo si Pascual at iba pang opisyal ng DTI hinggil sa priority legislative agenda ng ahensiya kabilang ang trade and industry status ng bansa nitong Lunes.

Ayon kay Tulfo, palaging umiiwas ang DTI na tugunan ang mga reklamo partikular ang aksiyon ng ahensiya kung paano pinamamahalaan ang networking companies.

“For so many years, naging mailap ang DTI sa mga tanong na binabato sa kanila every time I get complaints from people that come to my action center to complain for the past several years,” ayon sa senador.

“Ang palagi kong question na palaging iniiwas-iwasan ng DTI ay ano ang ginagawa ng DTI para ma-regulate itong mga networking company na by the hundreds and even thousands na ang mga naloloko o naisahan,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na palagi itong tumatawag sa DTU at humihiling ng imbestigasyon pero walang ginagawa ang ahensiya.

“So DTI can you answer us? At least now, hindi ninyo na ako pwedeng tagu-taguan, hindi ninyo na ako pwedeng iwas-iwasan,” ayon sa senador.

Bilang tugon, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na hinahabol ng ahensiya ang ilang multi-level marketing companies na hindi lehitimo at nakikipag-koordinasyon sila sa Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil dito.

Pero, hindi ito naging sapat kay Tulfo dahil dumami ang pekeng networking companies kahit noong pandemya.

Iminungkahi niya sa ahensiya na gamitin ang serbisyo ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police na habulin ang online scammers.

“Kung ginagawa ninyo ‘yan, bakit hanggang ngayon tuluy-tuloy, in fact dumami pa rin parang mga kabuti kahit may pandemic. Nandiyan pa rin, hindi pa rin na-aaddress,” aniya.

Binanggit din ni Tulfo ang pamamaraan na ginagawa ng ilang manloloko na tinatarget ang mga nagpupunta sa mall pero mabagal kumilos ang DTI hinggil dito.

“Nilapit ko ito sa DTI and DTI has been very slow in acting on those complaints. And you know DTI, lagi akong tumatawag sa inyo, nagsasawa na ako kakatawag sa inyo kasi hindi niyo ako sinasagot, iniiwas -iwasan ninyo ako,” aniya.

Ngayon, subukan ninyo akong iwasan,” giit pa niya. Ernie Reyes