DTI pinakikilos laban sa naglipanang fake goods

DTI pinakikilos laban sa naglipanang fake goods

October 20, 2022 @ 10:59 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni ACT-CIS Partylist Rep Jeffrey Soriano ang Department of Trade Industry na imbestigahan ang mga reklamo ng mga consumers na maraming sellers ang nagbebenta ngayon ng mga pekeng goods na pinalalabas na mga lehitimo o original.

“It has come to our attention that there has been very rampant distribution and selling of fake products, branding these items as legitimate to swindle the consumers into paying the full retail price of the genuine brand for a counterfeit product. Lately, mukhang mga pati air compressors naman ang target,” pahayag ni Soriano.

“Hindi madaling kumita ng pera, pinag-iipunan ng ating mga kababayan para makabili sila ng mga produkto na may magandang kalidad. Isa sa lumapit sa atin, pinagbentahan daw siya ng ‘authentic’ Vespa Air Compressor pero laking gulat niya nang madiskubre na ito ay fake ayon sa Vespa Air Compressor Service Center noong dinala niya ito para ipaayos. And this is not an isolated case, maraming similar na reklamo din na gaya nito,” dagdag pa ng solon.

Ani Soriano dapat na maging mahigpit ang DTI sa pagmomonitor ng ganitong mga insidente.

“Kawawa naman ang mga ordinaryong Pilipino na nakaranas ng ganito, naloko ng mga tindahan na nagbebenta ng peke. Ito ay lantarang paglabag sa karapatan natin bilang mamimili. Hindi naman basta-basta lang ang pinagpaguran, pinag-ipunan para mapunta sa ganito,” ani Soriano.

Sinabi ng mambabatas na dapat mayroon regular monitoring na ginagawa ang DTI upang masawata ang mga ganitong panloloko.

“We are calling the attention of the DTI to take immediate and necessary measures to stop this fraudulent acts and protect the consumers. We need them to be proactive at hindi lang gagalaw pag may reklamo, dapat may constant monitoring sa mga tindahan and even online sellers. We will also be coordinating with the National Bureau of Investigation to ensure that the perpetrators of this modus will be penalized,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza