DTI sa publiko: Agahang bumili ng noche buena items

DTI sa publiko: Agahang bumili ng noche buena items

August 26, 2022 @ 9:37 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kasabay ng papalapit na ‘ber months’ pinayuhan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga Pilipino na ikonsidera ang maagang pamimili para sa mga panghanda at pangregalo sa Pasko upang makaiwas na mabigatan sa inaasahang pagtaas ng presyo.

“Kung kaya lang natin na mag-ipon na or mag-stock na ng mga ganitong produkto, puwede na tayong mamili habang hindi pa gumagalaw ang presyo,” paalala ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa Laging Handa public briefing.

Gayunpaman, sinabi ni Castelo na maaari lamang ito sa mga produktong hindi madaling ma-expire.

Sinabi niya na ang mga presyo ng mga produkto ng Pasko ay magsisimulang tumaas habang papalapit ang Pasko.

“Eventually tataas na naman ang presyo or ‘pag malapit na. Kapag nagmamadali na ang mga tao, hindi nila napapansin tumaas pala ang presyo or tinaas pala noong mga retailers or manufacturers iyong presyo so mas maganda na makabili na sila nang mas maaga,” dagdag pa niya.

Upang makakuha ng pinakamahusay na deal, iminungkahi ni Castelo na bumili ng mga produktong pagkain sa mga bundle dahil mas mura ang mga ito kumpara kapag binili ang mga ito bilang solong item.

Dagdag pa  ni Castelo, maglalabas din ang DTI ng suggested retail prices (SRP) ng noche buena items sa huling linggo ng Oktubre o unang bahagi ng Nobyembre.

Kasama sa listahan ng noche buena SRP ang ham, keso, keso de bola, sandwich spread, mayonnaise, pasta, macaroni at iba pa. RNT