DTI umaasa sa pagratipika ng Senado sa RCEP sa susunod na buwan

DTI umaasa sa pagratipika ng Senado sa RCEP sa susunod na buwan

November 20, 2022 @ 4:05 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Department of Trade and Industry na mararatipikahan na ng Senado ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) pagsapit ng Disyembre.

Ito ang sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual sa panayam nitong Linggo, Nobyembre 20 kung saan umaasa ang ahensya na maisapinal na ng mga mambabatas ngayong taon ang free trade agreement makalipas ang mahabang taon ng negosasyon para rito.

“We hope to see the ratification of RCEP by the Senate by the end of the year, hopefully,” sinabi ni Pascual kasabay ng sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.

Kamakailan ay sinabi ng DTI na sa pamamagitan ng RCEP ay mapalalakas nito ang pag-export ng bansa ng 10.47% at mapatataas ang real gross domestic product (GDP) ng 2.02%.

Matatandaan na noon pang Agosto 2012 unang lumitaw ang usapin ng FTA sa hanay ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga katambal nito na Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.

Nitong nakaraang linggo lamang ay hinimok ng Management Association of the Philippines (MAP) ang Senado na ratipikahan na ang naturang trade deal.

“We have already lost 10 months of ability to compete on [an] equal footing with our ASEAN and Asian partners already in RCEP in attracting foreign investments as they capitalize on the shift by a number of MNCs (multinational companies) to seek alternative locations for their manufacturing sites,” ayon sa MAP. RNT/JGC