Kakaibang Pangulong Duterte ang nakita ng madla sa pagsasakatuparan ng 3rd State of the Nation Address (SONA) noong Lunes (Hulyo 23).
Kalmadong President Digong ang natunghayan ng milyong Juan at Maria habang idini-deliver ang SONA speech na nagtagal ng wala pang isang oras.
‘Di rin nagmura ang Pangulo, gaya ng dating ginagawa kapag nag-e-speech bagay na tiyak na ikinagalak maging ng kanyang mga kritiko.
Maging ang mga pari, taong simbahan at kalaban sa pulitika na palaging bumabatikos sa kanya, all praises sila sa ipinakita ng Pangulo.
Sa totoo lang, isang magaling na Presidente si DU30.
Tunay na ginagawa nito ang kanyang tungkulin bilang Ama ng bansa.
Galit sa mga taong gumagawa ng masama, tulad ng mga drug pusher at mga lingkod bayan na ninanakaw ang salapi ng bayan.
Walang kai-kaibigan kapag korap ang isang itinatalagang opisyal ng pamahalaan.
Kumbaga walang puwang sa kanya ang mga korap.
Subalit ang mga nagagawang mabuti sa bayan ay nasasapawan ng kanyang pagmumura dahil ‘di mapigilan ang matabil niyang bibig.
‘Ika nga ni Senator Grace Poe na nakalaban din ni Pres. Digong sa halalang 2016, ang SONA ng Pangulo noong Lunes ay pwedeng panoorin ng mga bata, dahil aniya, maganda ito.
Sana nga tuluyan nang isantabi ng Pangulo ang pagmumura.
3RD TELCO SANA MAGKAROON NA!
Sa lalong madaling panahon ay magkaroon na sana ng pangatlong Telephone Company o TELCO para naman magkaroon ng pagpipilian ang sambayanan.
Kasi sa totoo lang, marami na ang nabubuwisit dahil ‘di nasisiyahan sa palpak na serbisyo ng Philippine Long Distance Telephone at isang pang TELCO.
Alam naman natin na sa kasalukuyang panahon, napakaimportante ang role na ginagampanan ng mga TELCO wifi.
Pero dahil kailangan natin ang kanilang serbisyo, aba’y inaabuso naman tayo kaya dapat na magkaroon na ng 3rd TELCO para may alternatibo.
Dahil sa kasalukuyang TELCOS, lalo na ang PLDT wifi, aba’y sasakit lamang ang ating ulo dahil sa walang kwenta nilang serbisyo.
Kapag nagkaroon ng 3rd TELCO, tiyak na mababawasan ang kita ng PLDT dahil lilipat ang mga customer na matagal nang nagagalit sa palpak nitong serbisyo.
Magaling silang maningil pero kung ‘di sira, laging walang signal ang PLDT wifi. – CHOKEPOINT NI BONG PADUA