Dugo-Dugo Gang, tutuldukan ng SIM card registration law – Gatchalian

Dugo-Dugo Gang, tutuldukan ng SIM card registration law – Gatchalian

February 17, 2022 @ 5:45 PM 5 months ago


MANILA, Philippines – Tutuldukan na ng operasyon ng modus na tinatawag na “dugo-dugo” o “budol-budol” kapag umiral na ang batas na pagpaparehistro ng subscriber identification module (SIM) card, sabi ni Senador Win Gatchalian.

“Matutuldukan na sa wakas at maagap nang malulutas ng mga awtoridad ang mga kriminal sa likod ng ganitong klaseng modus kapag naging batas na ang SIM card registration,” ani Gatchalian na nagsulong sa panukalang SIM Card Registration Act na naghihintay na lang ng pirma ng pangulo upang maging ganap nang batas.

Makaraan ang halos dalawang linggo matapos pagtibayin ng Senado at Kamara ang nasabing panukalang batas na naglalayong puksain ang mga krimen gamit ang mga hindi rehistradong SIM card, isang 14 anyos ang nabiktima ng “dugo-dugo” gang at nanakaw ang halos P10 milyong halaga ng pera at alahas ng kanyang mga magulang.

Mahihirapan nang maisagawa ang mga ganitong klaseng krimen kapag naging batas na ang pagpaparehistro ng lahat ng SIM subscribers, kabilang ang mga may active services, dahil kailangang magrehistro sa kani-kanilang public telecommunications entity (PTE) sa loob ng isang taon ang mga gumagamit ng SIM card. Mapipilitan ang mga PTEs na i-deactivate o i-retiro ang numero ng SIM card kung hindi ito nakarehistro sa loob ng itinakdang panahon ng batas.

Mahaharap sa pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na taon o multang aabot sa P200,000 ang mga mapapatunayang nameke ng kanilang pagkakakilanlan para magparehistro ng SIM card, sabi ni Gatchalian.

“Ang mga ganitong uri ng kriminal na aktibidad ay mapipigilan na natin. Bagama’t ang ating mga batas ay nagbibigay ng pantay na access sa komunikasyon, ang ganitong uri ng kalayaan ay maaaring bawiin kung ang paggamit ng naturang teknolohiya ay kinakasangkapan upang makagawa ng mga karumal-dumal na krimen,” sabi ni Gatchalian.

Sa nakalipas na walong taon, walang humpay ang pagtataguyod ni Gatchalian na maisabatas ang nasabing panukala na sa simula ay ninais niyang magamit upang sugpuin ang paghahasik ng terorismo sa bansa gamit ang mga hindi rehistradong SIM card. Ernie Reyes