Duguang bangkay ng binatilyo, natagpuan ng magsasaka sa talampas

Duguang bangkay ng binatilyo, natagpuan ng magsasaka sa talampas

September 13, 2022 @ 4:27 PM 3 weeks ago


Bulacan- Isang duguang bangkay ng hindi nakilalang batang lalaki ang natagpuan ng magsasaka sa mataas na bahagi ng lupa malapit sa kalsada sa bayan ng Norzagaray.

Sa report ng Norzagaray police, ang duguang bangkay ay tinatayang nasa edad 15 hanggang 16-anyos na nakasuot ng berdeng damit at itim na may pulang salawal

Ayon sa pulisya, isang tawag ng residente rito ang kanilang natanggap na may natagpuang nakasubsob na bangkay bandang alas-7:50 ng umaga nitong Setyembre 12 sa Sitio Pakiling, Brgy. Baraka.

Dahil dito, agad rumesponde ang mga pulis sa lugar para beripikahin ang impormasyon hanggang sa bumulaga sa kanila ang bangkay na nakasubsob sa lupa.

Sinasabing isang pauwing magsasaka ang nakakita ng dugo sa kalsada na nagmasid at sinundan niiya ang mga patak patungo sa talampas hanggang sa makita ang bangkay.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen sa lugar. Dick Mirasol III